Kampo ni Lacson, Nagbabala vs Fake News

Mula kay Ashley Acedillo, Tagapagsalita ng Partido Reporma: May mga kumakalat na maling impormasyon na aatras diumano si Senador Panfilo Lacson sa kandidatura niya sa pagka-Pangulo sa Mayo 2022.

Walang katotohanan ang lahat ng ito.

Sa katunayan, mas lumalakas pa ang Lacson-Sotto tandem at patuloy na humahataw ang kanilang aktibidad habang papalapit ang halalan.

Related: Lacson Spokesperson Warns of Fake News

Mula nang ilunsad ang kanilang tandem noong ika-8 ng Setyembre, walang humpay ang kanilang paglalatag ng mga plano at solusyon. Malinaw na sa lahat ng mga posibleng tumakbo sa halalan, sila ang talagang handa at may kakayahan na pamunuan ang bansang ito.

Sa aktibidad ng Partido Reporma sa Tagum City, Davao del Norte na dinaluhan ni Sen. Lacson bilang Party Chairman at ng kanyang running mate na si Senate President Sotto, hindi maitatanggi ang suportang ipinakita ng mahigit 200 miyembrong kumakatawan sa lalawigan at nanumpa sa partido.

Habang ang iba ay nagdadalawang-isip pa kung tatakbo o hindi, nakikipagnegosasyon pa sa mga posibleng runningmate o naghahanap pa ng partidong magdadala, umusad na ang Lacson-Sotto tandem para mapagsama ang lakas ng alyansa at matiyak ang suporta ng nakakarami.

Asahan na habang papalapit na ang paghahain ng kandidatura, mas lalo ring magiging desperado ang mga hindi handa, mga nag-aalanganin, o mga ayaw tumakbo. At ang fake news na ito na ipinakalat nila kamakailan ang patunay nito.

*****