Paano Napababa ni Lacson ang Krimen sa Cebu

NAGA CITY, Cebu – Walang gas at logistics? Walang problema.

Ganitong mindset ang pinairal ng batang lieutenant colonel noon na si Panfilo “Ping” Lacson para resolbahin ang krimen sa Cebu nang pinamunuan niya ang Cebu Metropolitan District Command (MetroDisCom) mula 1989 hanggang 1992.

Nag-utos sya na magkaroon ng foot patrols na naging susi sa pagpapababa ng krimen hindi lamang sa Cebu City kundi pati na rin sa Mandaue at Lapu-Lapu. Kalaunan ay nagsilbi si Lacson bilang hepe ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001.

Related: How Lacson Cracked Down on Crimes in Cebu With Scarce Resources

“Kulang ang aming gas and logistics and we are relying on logistics from then Philippine Constabulary headquarters in Camp Crame. I told my men, if you don’t have gas, you might as well walk, patrol on foot. That’s what we did under strict supervision,” ani Lacson, na kasalukuyang tumatakbo bilang presidential candidate sa ilalim ng Partido Reporma, sa kanilang Online Kumustahan dito.

“Ang laki ng ni-reduce ng crime rate in Cebu City, Mandaue and Lapu-Lapu at the time,” dagdag nya.

Dahil sa kanyang maayos at tapat na pamumuno bilang Cebu MetroDisCom head, tinagurian si Lacson bilang “Adopted Son of Cebu”. Minungkahi rin ng mga residente doon kay dating Pangulong Corazon Aquino na palawigin ang kanyang dalawang taong termino bilang field commander, na dapat sana ay matatapos na ng August 1991. Nanatili siya bilang MetroDisCom chief hanggang February 1992 nang siya ay inilipat sa Laguna.

Inaalala ni Lacson na sa kanyang paglilingkod dito, nireskyu nya at ng kanyang mga tauhan ang anak ng pamilya Gaisano na biktima ng kidnapping. Nahuli nila ang mga suspect at nag-alok ng pabuya ang pamilya P1M para sa kada myembro ng kanilang team ngunit tinanggihan nila ito dahil sa kanilang paniniwala na ginagampanan lamang nila ang kanilang trabaho.

“From then on we solved crime after crime after crime,” saad ni Lacson.

Hindi natigil dito ang pag-iisip ni Lacson ng solusyon sa problema ng logistics at nabigyan nya ito ng kasagutan nang pinamunuan nya ang PNP at nag utos na maglaan ng 60 percent ng resources sq headquarters at ang 40 percent ay mapupunta sa field. 85 percent din ng PNP resources ay pina-downloqd nya sa frontline units at ang natitirang 15 percent ang para sa headquarters.

Bilang senador, patuloy na pinanghawakan ni Lacson ang kanyang adbokasiya na magbigay ng equitable distribution of resources sa pamamagitan ng kanyang panukala na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE), para masiguro na ang resources ay napupunta sa LGUs upang magkaroon sila awtonomiya at responsibilidad na ipatupad ang kanilang proyekto.

Bumisita rito si Lacson nitong Biyernes kasama si Senate President Vicente “Tito” Sotto III para sa kanilang Online Kumustahan. Si Sotto, na katandem ni Lacson at kanyang vice presidential candidate, ay tumatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.

Mainit na sinalubong ang Lacson-Sotto tandem ng mga residente rito at mga lokal na opisyal. Kasama nila ang mga senatorial bets na sina Guillermo Eleazar, Minguita Padilla, at Monsour del Rosario.

Nakipagpulong din sina Lacson at Sotto kay dating Government Service Insurance System (GSIS) head Winston Garcia, na kapatid ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia.

*****