Kasabay ng nalalapit na Araw ng mga Puso, mistulang binigyan ng lakas ng loob ni Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mga tila nawawalan na ng pag-asa na makatagpo pa ng mga makakasama sa habambuhay.
Ang mensahe ay ibinahagi ni Lacson sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo nang matanong tungkol sa mga usapin na may kaugnayan sa pakikipagrelasyon ng bawat indibidwal.
“Huwag mawalan ng pag-asa. Habang may buhay, may pag-asa. Huwag patayin ang puso kasi dapat laging buhay ‘yan, kasi laging may second chance,“ banggit ni Lacson nang matanong kung ano ang mensahe niya sa mga sawi sa padating na “Araw ng mga Puso.”
Ayon kay Lacson, dapat din itong maging panuntunan sa anumang yugto ng pakikibaka sa araw-araw na pamumuhay.
“Maging sa pang-araw araw nating mga problema o hinaharap, lalo sa pag-ibig, meron laging second chance,” paliwanag pa ni Lacson.
Sa kanyang pagtakbo bilang pangulo sa darating na halalan, kabilang sa mga iniaalok ni Lacson at maging ng kanyang running mate na si Vicente “Tito” Sotto III ay ang mas pinatinong paglilingkod sa publiko sa pamamagitan ng mga mensaheng “Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw.”
Kasama rin sa ipinapanalangin ni Lacson bago matulog at pagkagising na sana ay bumuti na ang sitwasyon ng bansa upang makabalik na sa hanapbuhay ang karamihan tungo sa normal na takbo ng ekonomiya.