Sen. Lacson’s Speech at Rally in Panabo, Davao del Norte

“Aayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino” – yan po ang unang sigaw at laging sinisigaw ng Lacson-Sotto tandem. Ano ba ang mga dapat ayusin sa ating gobyerno? Marami po.

Nabanggit ni Secretary Piñol, sa sektor lang ng agrikultura napakarami. Bakit napakaraming importasyon? We have become an import-dependent country. Sabi nga niya, meron naman tayo bakit mag-i-import? Simple lang po: pag may importation, may kita. May quota, may komisyon.

Sa sektor ng edukasyon, bakit maraming hindi nakakapag-aral? Dahil ‘yung pampagawa ng eskwelahan, yung dapat libreng matrikula, minsan nananakaw pa. Sa sektor ng kalusugan, ganoon din. Nag-imbestiga kami sa PhilHealth, P14 billion ang natuklasan naming nawala – kami ni Senate President Sotto, Committee of the Whole ng Senado. Kaya ngayon merong humaharap na nasasakdal sa Ombudsman dahil sa pag-iimbestiga ng Senado noong 2019. Hiningi ni Secretary Guevarra ng DOJ lahat ng aming nalikom na mga ebidensiya kaya nakasakdal ngayon ‘yung mga top officials. Yung dating top officials ng PhilHealth humaharap sa mga kaso doon sa Ombudsman.

Marami pa – sa sektor ng transportasyon, sektor ng imprastruktura, laging may komisyon, laging may nawawala.

Bakit nga ba kailangang ayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng mga Pilipino? Mula pa noong alam niyo 1950s, panahon pa ni Presidente Quirino, napakatagal na panahon. Nakamulatan na natin, nakagisnan na natin laging may isyu ng korapsyon. Yung mga nabuhay na noon katulad namin ni Senate President, pinanganak kami 1948. Mga paslit pa kami pero narinig namin as we grow up. Alam niyo ‘yung gintong orinola? The golden orinola ni President Quirino? Ang laking isyu, P5,000 worth ng orinola na nakalagay sa ilalim ng kama ng pangulo, isyung malaki. Tapos over time, para bang pinikit na lang natin yung mga mata natin na araw-araw may korapsyon, na araw-araw may nakawan.

Alam ninyo, dalawang uri ang magnanakaw sa buong mundo, lalo na dito sa ating bansang Pilipinas. Ang unang uri ng magnanakaw, yung magnanakaw na ordinaryo. Ang magnanakaw na ordinaryo pinipili ang kanyang nanakawin at nanakawan. Naghihintay yan kapag yung ating mga anak. Maski tayo, pag nag-iisa umuwi galing sa trabaho, inaabangan sa dilim, sa kanto, nanakawan. Yung perang pinag-ipunan, yung sinuweldo, yung naipundar na ari-arian nanakawin.

Ang pangalawang uri ng magnanakaw, yung magnanakaw sa gobyerno. Ang pagkakaiba nito, ang magnanakaw sa gobyerno walang pinipiling nanakawan at walang pinipiling nanakawin. Dahil pag nanakaw ang pera ng gobyerno, ang ninanakaw maaaring alam niya, maaaring hindi niya masyadong alam o maaaring hindi niya alam. Ang ninanakaw niya yung ating mga karapatan para sa maayos na pamumuhay – livelihood. Ang ninanakaw niya ang ating karapatan sa maayos na edukasyon, ‘yung ating karapatan sa maayos na agrikultura, yung ating karapatan sa maayos na kalusugan. At higit sa lahat, ang ninanakaw ng magnanakaw sa gobyerno yung kinabukasan ng ating mga kabataan.

Kaya panahon na – nabanggit ko, nabanggit na rin ni Secretary Pinol. Dalawa ang klase ng ating pinagpipilian. Yung public servant o statesman at yung politician. Yung politician thinks of himself and the next election while a statesman or a public servant thinks of the nation and the next generation. Kaya dapat lagi tayong mapanuri, lagi tayong nag-iisip. Ang problema sa magnanakaw ng gobyerno, tayo pa man din ang pumipili sa kanila. Isang araw kada tatlong taon, kada anim na taon.

Yun ang irony. Kasi yung ordinaryong magnanakaw o yung magnanakaw na ordinaryo, silang pumipili ng nanakawan. Pero yung magnanakaw sa gobyerno, tayo ang pumipili sa kanila para pagnakawan tayo. So, siguro panahon na.

Alam niyo sa susunod na eleksyon – 2022, 2025, 2028, 2031 – ito ‘yung para sa susunod na henerasyon. Kami ni Senate President Sotto hindi na namin masyadong iniisip yung sarili namin. Maaaring kayo ganoon din. Ang pananaw ninyo hindi na ito para sa akin. Not for the sake of this present generation but we should think of the next generation. Ayaw nating umabot yung pagkakataon na tayo, habang nagpapahinga o sa ating pagtanda iniisip natin humingi ng patawad sa ating susunod na henerasyon. Bakit? Kasi napabayaan natin ang Pilipinas. Ito yung ating pagkakataon – eleksyon sa 2022 at sa mga susunod na halalan – ito ‘yung pagkakataon para hindi na tayo humingi ng tawad sa ating mga anak, sa anak ng ating mga anak, at sa susunod na henerasyon dahil ang ating maiiwanan sa kanila isang maayos na Pilipinas. Ganoon dapat ang ating pananaw.

Kaya nga nung ako’y inimbitahan ni Speaker Bebot na sumapi sa Partido Reporma, pangalan pa lamang sabi ko “sali ako diyan.” At alam ko karamihan sa inyo, if not all of you, kaya rin sumanib sa Partido Reporma because of the word “reporma.” Tayo dapat ang isipin natin ireporma natin ang ating sarili, ireporma natin ang ating pamahalaan nang sa ganoon maipagmalaki natin sa susunod na henerasyon na ang iiwanan natin sa kanila isang maayos na bayan, isang maayos na pamahalaan.

Kaya nga lagi kaming paulit-ulit: Ayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng ating kapwa Pilipino. Yun po ang aking panawagan at alam ko tayo sa Partido Reporma nagkakaisa sa ganitong adhikain, nagkakaisa sa ganitong advocacy, nagkakaisa sa ganitong pananaw. Yun lang po ang aking mensahe sa inyo ngayong umaga. Hindi ko na hahabaan kasi napakasimple po. Napakaraming reporma ang dapat gawin.

Pinapangako pa lamang nung ibang kumakandidato, ginawa na namin at ginagawa pa namin. Narinig niyo nag-hepe ako ng Philippine National Police, ang una kong ginawa ireporma yung kapulisan. Ganoon din po sa ating gobyerno kaya aayusin ang gobyerno. In our first 100 days, sisimulan namin ‘yung tinatawag na internal cleansing. Ito rin po ang ginawa ko sa kapulisan kaya nawala yung kotong, nawala yung – pinairal ko ang “no-take policy.” Maski yung mga nag-tra-transact ng business sa PNP, wala pong lagayang nangyayari sa PNP noon.

At ito lang ang aking maipagmamalaki: sa loob ng 50 taon, limang dekada ng aking paglilingkod mula noong ako’y nasa military. 20 taon ako sa Armed Forces of the Philippines, 10 taon ako sa PNP, 18 taon ako senador. Ni minsan – ito lang po taas-noo kong ipagmamalaki sa inyo – ni minsan hindi ako tumanggap ng suhol kapalit ng serbisyo publiko. Yan po dapat ang ating panuntunan sa sarili, yan po ang ating dapat panuntunan sa gobyerno kasi there’s no other way. The number one problem of our country for the longest time is government and the solution lies in the face of the problem itself – government. Ang tawag po doon good government.

Kaya po kami bilib kami sa nangyayari sa Davao del Norte. Umangat ‘yung pamumuhay ng ating mga farmers kasi konting ano lang – parang common sense. Sabi nga ni Secretary Pinol, karamihan ng solution common sense pero alam naman natin hindi natin ginagawa. Kasi pag naupo na tayo, ang feeling natin entitled na tayo – pribilehiyo. Hindi po. Ang paglilingkod sa bayan is a calling. Ang paglilingkod sa bayan, tingnan natin dapat serbisyo. Ang pananaw natin dapat the people may not be our masters but definitely, we are their servants.

Magandang umaga po sa inyong lahat at maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap!

*****