Pinasalamatan ni Senador Ping Lacson ang kanyang Alma Mater na Philippine Military Academy sa pagbigay sa kanya nito ng Lifetime Achievement Award noong Sabado. Para sa senador, magsisilbi itong inspirasyon sa kanya para maipagpatuloy ang mga nagawang kontribusyon sa serbisyo publiko.
Si Lacson ay miyembro ng PMA Matatag Class of 1971. Aniya, ang parangal na natanggap nya sa PMA ay ibinibigay sa mga alumni nito na nag-alay ng “dedicated, exemplary and unblemished service sa loob ng halos limang dekada.
“Thank you Philippine Military Academy for recognizing my 50 years of dedicated service to country and people and for the arduous four years of imbibing in me the values of Courage, Integrity and Loyalty,” ani Lacson sa kanyang Twitter account.
Limang dekadang nanilbihan si Lacson sa publiko, kabilang na rito ang 30 taon bilang law enforcer sa Philippine Constabulary at Philippine National Police. Kasalukuyan siyang tumatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma.
Bilang law enforcer, nilabanan ni Lacson ang kriminal at korapsyon sa pamamagitan ng kanyang “No Take” policy kung saan mariin niyang tinanggihan ang mga alok na suhol mula sa mga sindikato at sa mga nais makipag-transaksyon sa PNP. Hindi rin tinanggap ni Lacson noon ang alok na reward money mula sa mga kamag-anak ng mga biktima ng kidnapping na kanyang nailigtas.
Bilang PNP chief mula 1999 hanggang 2001, inalis ni Lacson ang kotong sa hanay ng kapulisan sa pamamagitan ng istriktong pagdidisplina at tapat na pamumuno.
Samantala, 18 taon namang naging senador si Lacson kung saan siya nakilala bilang masugid na tagapagbantay ng badyet at isiniwalat ang mga kwestyonableng appropriations sa panukalang badyet.
Kabilang din sa kanyang mga isiniwalat ang mga scam tulad ng mga isyu na dawit ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Pharmally Pharmaceuticals Corp.
Nagtrabaho rin si Lacson bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery, kung saan siya ang nanguna sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga nais tumulong sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) – at sa paggawa ng Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan na nagdedetalye ng rehabilitation at recovery plans at funding requirements para sa national at local government, pati na rin mga alintuntunin sa pakikipag-ugnayan sa non-government sector.
Noong Disyembre, sinabi ni Lacson na ang mga itinuro sa kanya ng PMA na katapangan, integridad at katapatan ang kanyang magsisilbing gabay sa pagresolba sa mga hamon ng pagiging Pangulo ng bansa sakaling siya ay mahalal sa Mayo.
Sa PMA din sinimulan ni Lacson ang kanyang brand of leadership by example at ang kanyang personal motto na “Ang tama ay ipaglaban, ang mali ay labanan.”