“Sana ma-replicate ang ganitong success story.”
Umaasa si Senador Ping Lacson na malaki ang tsansa na magtagumpay ang mga maliliit na negosyante lalo na kung may tulong mula sa gobyerno.
Binisita ni Lacson ang isang batang negosyante na si Josh Mojica sa Mendez, Cavite nitong Sabado kasama ang kanyang vice presidential bet na si Senate President Tito Sotto at senatorial bet na si Manny Piñol. Bago ito ay binisita rin ni Lacson at Piñol ang Cafe Amadeo sa lalawigan din ng Cavite.
Noong Disyembre 2021, tinulungan ni Lacson si Josh sa pamamagitan ng kanyang pag-order ng 400 packs ng kangkong chips na ipinamigay ng senador sa kanyang mga kaibigan noong holiday season. Ito ang nagsilbing pinakamalaking benta noon ni Josh.
“Since then, umasenso ang kanyang negosyo. May 100 employees siya, 24/7 and suppliers siya from all over. Sa ngayon pwede nating sabihing success story, 2,000 packs a day ang kanyang benta,” pagbabahagi ni Lacson.
“Una, kung ang gobyerno mapansin ang ganito, you can just imagine how we can replicate ang ganitong success stories,” dagdag nito.
Sa kanyang post sa Twitter, nanawagan si Lacson sa Food and Drug Administration, Department of Trade and Industry, at Department of Science and Technology para tulungan si Josh na maibenta ang kanyang kangkong chips sa Canada, Japan at Dubai kung saan marami ang nagpahayag ng kanilang interes na umorder.
Saad ni Lacson, sangkatutak ang requirements ng mga ahensya sa mga maliliit na negosyante tulad ni Josh ngunit wala silang natatanggap na suporta mula sa gobyerno. Kasalukuyang itinatayo ni Josh ang kanyang sariling factory bilang isa sa mga rekisito ng ahensya.
“We visited 17-year-old entrepreneur, Josh, in Mendez, Cavite. From the 400 kangkong chips packs which we ordered late last year, he now has 100 employees, constructing his own factory after getting orders from Canada, Japan and Dubai. Paging FDA, DTI, DOST. Please help this kid grow!” ani Lacson sa kanyang tweet.
“Find me a 17-year-old entrepreneur who has 100 employees while constructing his own factory as a requirement among others to export his products to three countries namely Canada, Japan and UAE,” dagdag ng presidential aspirant.
Ayon naman kay Sotto, 99.5% ng negosyo sa bansa ay MSMEs at 63.2% ang kabuuang labor force nito. “Sana matulungan ng gobyerno ang katulad ni Josh,” saad ni Sotto.
Para naman kay Piñol, isang paraan para matulungan ng gobyerno ang maliliit na negosyante ay sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga ito. “Here’s something I believe President Ping will be addressing,” ani Pinol.
Naging emosyonal naman si Josh dahil sa tulong at suporta na ibinigay sa kanya ni Lacson. “Nagsimula sa akin lang, ako lang tinulungan niya, family ko, hanggang sa dumami ang taong natulungan ko, nabigyan ko ng opportunity para magkaroon ng trabaho ngayong pandemic,” sabi ni Josh.
Nangako naman si Lacson na tutulungan ang marami pa sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makaahon mula sa epekto ng pandemya.
Kabilang sa kanyang mga plano ang komprehensibo at targeted fiscal stimulus packages; eviction at foreclosure moratoriums, “lower-interest-bigger loans” programs mula sa state-run financial institutions; at employee-retention incentives para mahikayat ang mga negosyo na bumalik ulit mula sa pagkakalugmok dahil sa pandemya.
Kasama rin sa kampanya ni Lacson ang “Made in the Philippines” campaign na layong maghikayat sa lahat na bumili at kumonsumo ng mga lokal na produkto at serbisyo.
Tumatakbo ang Lacson-Sotto tandem sa ilalim ng plataporma na “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at pagpapanagot sa mga tiwali sa gobyeno (Uubusin ang magnanakaw).
*****