Binisto ni Senador Ping Lacson nitong Biyernes ang propaganda ng ilang grupo na nagsasabi na may mga aktibista na naaresto sa Cavite matapos magbabala ang senador hinggil sa posibleng “infiltration” ng mga miyembro ng legal front ng Communist Party of the Philippines sa kampanya ni Bise Presidente Leni Robredo.
Kinumpirma ni Lacson na ang naturang pag-aresto sa mga ito ay bunsod ng isang operasyon na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency.
“May naaresto pero drug operation ito sa Bacoor. Ang nag-operate, PDEA, anti-illegal drugs operation,” ani Lacson sa kanyang panayam sa Radyo 5.
Pagbubunyag ni Lacson, ang mga grupo na nag-isyu ng “alerts” ay ipinalabas na naaresto ang ilan sa mga aktibisya dahil sa umano’y “red-tagging” sa kampanya ni Robredo sa Cavite nitong buwan.
“Ganyan ang kanilang ginagawang propaganda. Kaya huwag maligaw ang ma-attend na volunteer,” saad ni Lacson.
Binigyang diin naman muli ng senador na kahit kailan ay di sya naging sangkot sa red-tagging at nagbababala lamang siya sa lahat tungkol sa posibleng coalition government kasama ang CPP, New People’s Army at National Democratic Front. Ibinahagi rin ng senador na responsable ang rebelyon ng NPA sa 2,000 pagpatay sa mga sundalo at sibilyan, bilyun-bilyong piso na revolutionary taxes at pagkawasak ng maraming ari-arian ng mga tao na hindi sumasang-ayon sa kanilang kosa.
Sinabi rin ni Lacson na mayroon siyang sariling intel na nagkukumpirma na may mga miyembro ng CPP legal fronts na dumalo sa rally ni Robredo.
Natural din aniya para sa CPP na pabulaanan ang mga pahayag ng dati nitong miyembro na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz.
“Ang armed struggle hindi ma-justify no matter how you look at it,” diin ni Lacson.