Ang pagkakaroon ng undercover operatives ang isa sa mga gagawin ni Senador Ping Lacson para mahuli ang mga tiwaling empleyado sa gobyerno sakaling mahalal siya bilang Pangulo.
Ani Lacson, sa paraang ito magtitino ang ilan sa takot na mahuli at maparusahan.
“Sa government bureaucracy, pwede tayong mag-field ng operatives na kunwari nag-a-apply… hanggang matanim sa isipan ng government employees and officials na delikado tayo, baka ang kinikikilan natin ay operative,” ani Lacson sa kanyang panayam sa Radyo 5.
“Mas maganda na drastic ang approach – alisin ang Inept, Corrupt and Undisciplined (ICU) sa bureaucracy ng gobyerno ” dagdag ng senador, na tumatakbo para sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma.
Para kay Lacson na matagal nang nilalaban ang korapsyon sa limang dekada bilang public servant, ibibigay nya ang responsibilidad na ito sa lehislatura at hudikatura, at kanyang tututukan ang tungkulin sa ehekutibo.
“Palagay ko kung nakitang maayos at malinis ang executive branch, judiciary and legislature will follow suit. Human nature yan.”
Nang nanungkulan noon si Lacson bilang PNP chief, nalinis nya ang kotong sa kapulisan mula nang kanyang pamunuan ito mula 1999 hanggang 2001.
Kasalukuyan silang tumatakbo ng kanyang vice presidential bet na si Senate President Tito Sotto sa ilalim ng platapormang Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino.
Dagdag pa ni Lacson, plano rin niyang parepasuhin ang Plunder Law at aayusin ang implementasyon nito.
Ayon kay Lacson, unang araw pa lamang niya sa opisina ay lalagda sya sa isang waiver ng kanyang karapatan sa ilalim ng Bank Secrecy Act at magsasagawa agad ng internal cleansing sa hanay ng gobyerno.
Panata rin ng presidential aspirant na magiging transparent ang kanyang gobyerno lalo sa mga transaksyon sa pag procure ng mga bakuna para malunasan ang banta ng Covid sa bansa. “Ang essence ng paglaban sa corruption, transparency,” saad ni Lacson.