Ping, Sinuportahan ang Pagpapalawig ng WFH, 4-day Workweek

Nagpahayag ng suporta si Senador Ping Lacson sa panawagan ng Business Process Outsourcing (BPO) sector na palawigin ang kanilang work-from-home (WFH) setup sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe.

Para kay Lacson, bagama’t kailangang buksan muli ang ekonomiya, dapat ding bigyan pansin ng gobyerno ang pagtaas na presyo ng bilihin na pasan ng ordinaryong manggagawa.

“Ang hiling ng BPO sector na palawigin ang WFH from April to September, sinususugan ko po yan dahil maraming nagsara na mga opisina nila at gusto nilang magpatuloy ang WFH. At meron tayong Telecommuting Act,” ani Lacson sa kauna-unahang presidential debate na inorganisa ng Comelec nitong Sabado ng gabi.

Related: Lacson Backs Workers’ Calls for Flexibility to Extend WFH, Workweek Setup

Sinabi kamakailan ng Department of Finance na naglabas ang Fiscal Incentives Review Board (FIRB) ng isang resolusyon (Resolution No. 19-21) na nagsasabi na hanggang March 31 na lamang ang WFH arrangement ng mga manggagawa sa sektor ng IT-BPM.

Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe ang isa ring dahilan kung bakit suportado ni Lacson ang four-day workweek.

Naka-angkla ang suporta ni Lacson sa kondisyon na dapat mabayaran ang mga manggagawa ng kanilang sahod na katumbas sa limang araw na paggawa dahil katulad na bilang ng oras din ang kanilang ibibigay kahit na apat na araw lang silang pumasok sa trabaho o mag-render ng kanilang serbisyo.

Binigyang diin naman ni Lacson na magiging pansamantala lang naman ang pagpapatupad ng four-day workweek.

Samantala, kasama rin sa nais solusyonan ni Lacson ang skills matching na mapapadali kung ma-digitalize ang mga transaksyon sa gobyeno, gayundin ang pagpapabilis ng internet service sa bansa.

*****