Virology Institute, Pagtulong sa MSMEs Magiging Prayoridad ni Ping

Ang pagpapatayo ng Philippine Virology Science and Technology Institute ang isa sa mga gagawin ng administrasyon ni Senador Ping Lacson sakaling siya ang mahalal bilang Pangulo sa Mayo.

Sinabi ni Lacson na ito ang magiging sentro ng research and development na magiging depensa ng ating bansa laban sa Covid at sa mga posibleng mutations nito.

“Ipu-pursue ko ito dahil ito ang magliligtas sa atin. Hindi na tayo mag-import. Lalakasan natin ang research and development sa pamamagitan ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines,” ani Lacson na kasalukuyang tumatakbo sa pagka-Pangulo sa ilalim ng Partido Reporma, sa naganap na kauna-unahang presidential debate ng Comelec.

Related: Lacson Presidency to Pursue Virology Institute vs Covid Mutations, Prioritize MSMEs in Recovery

“It is not a question kung handa o hindi handa ang Pilipinas. Dapat lagi tayong handa for the next pandemic, Deltacron man o maski anong variant, o bagong pandemic,” dagdag ng senador.

Noong Mayo 2020, naghain si Lacson ng panukalang batas na naglalayong itayo ang nasabing institusyon ngunit hindi ito naipasa sa Senado.

Sa kabila nito, ibinihagi naman ni Lacson na may P982 milyon na nakalaan bilang startup fund sa 2022 budget para sa pagpapatayo nito. Ang New Clark City naman ang lugar kung saan nais itong ipatayo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Kasabay din nito ang plano ni Lacson na taasan ang pondo para sa research and development mula sa kakarampot na 0.4 percent na napupunta para rito mula sa ating national budget.

Iginiit naman ng senador na dapat mas maging aktibo ang gobyerno sa pagtugon sa posibleng banta pa ng Covid sa hinaharap.

“Dapat proactive tayo mag-isip at hindi nagre-react,” aniya.

Samantala, sinabi ni Lacson na dapat maging prayoridad ng gobyerno ang pagtulong sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng pandemya.

Tinatayang 99.5 percent ng negosyo sa bansa ay MSMEs at 400,000 Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

“Kailangan ng comprehensive fiscal stimulus para sa ating MSMEs. Tulungan natin sila ibangon kasi napakalaki ng tama sa ating economy na galing sa sektor ng MSMEs,” ani Lacson.

Kasama sa magiging tulong para sa MSMEs ang P2 bilyong agricultural guarantee fund pool mula sa gobyerno.

*****