Ibinahagi ni Lacson ang resulta ng mga nakaraang survey na bagama’t mayroon siyang 2 porsyentong “hard votes,” umaabot naman sa 40 porsyento ang kanyang “soft votes” na nagpapakita na kinokonsideta siya ng maraming botante ngunit nagdadalawang isip dahil hindi siya nangunguna sa mga survey.
Base sa nakaraang Laylo survey, ipinapakita na 57% ng Class E o “masa” ang posibleng makuha na soft votes para kina Lacson at sa ka-tandem nito na si Senate President Tito Sotto; 45 percent naman sa urban areas at 42 percent sa rural areas o kanayunan; 43 percent ng babae at lalaking botante; 43 percent ng may edad 18-34, 42 percent sa edad 35-54 at 45 percent sa edad 55 pataas.
“Based sa feedback na nakukuha namin sa Luzon, Visayas and Mindanao, ganoon ang sinasabi. Gusto namin ang Lacson-Sotto tandem. Sila ang competent, qualified at may kakayahan. Gusto namin sana sila iboto,” ani Lacson matapos ang kanyang courtesy call kay Mayor Isabelle “Beng” Climaco-Salazar ng Zamboanga City.
Aniya, kailangang matutunan ng mga botante na magdesisyon para sa kanilang sarili sa halip na sumunod lamang sa dikta ng survey.
“Kung pipili tayo, dapat karapat-dapat. Hindi ang palagay ng marami ay mananalo. After all, lalong sayang ang boto ninyo kung ang pipiliin nyo ang alam ninyong hindi karapat-dapat dahil alam nyo lang yan ang mananalo. Hindi ba mas sayang ang botong ganoon?” dagdag pa ng senador.
Pinagsabihan naman ni senatorial bet Manny Piñol ang mga botante na huwag sayangin ang pagboto sa tingin nila ay nararapat kahit na hindi ito nangunguna sa survey.
“Lalong masasayang ang kinabukasan ng ating bansa kung di tamang leader ang ating iboto. Huwag tayo makipagsabayan sa makulay at maingay na rally,” saad ni Pinol.
*****