Magandang magandang hapon sa ating lahat!
Mula sa araw na ito, ika-25 ng Abril 2025, 17 araw na lamang, halalan na. Ang halalan, ito parang isang job application at kami mga kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay humaharap sa inyo sa isang job interview dahil kayo, taumbayan, ang employer.
Ako po ay humaharap sa inyo ngayong hapon, dala ko ang aking resume. Ang aking resume ay may taglay na 3 letrang K: Kwalipikasyon, Karanasan, Kakayahan.
Bilang dating alagad ng batas, makailang ulit kong itinaya ang aking buhay upang maipagtanggol ang kapayapaan, ang kaayusan at kaligtasan ng ating mga kababayan laban sa mga kriminal. Nang ako ay nahirang bilang hepe ng PNP, pinatigil ko ang pangongotong sa kalsada ng kapulisan upang mapangalagaan ang mga jeepney driver, tricycle driver, mga biyahero ng isda, biyahero ng gulay, at ang ating mga mamamayan.
Bilang isang mambabatas, ako po ang nag-akda at nagpasa ng mga importante, mahahalaga at makabuluhang mga batas:
* Free Irrigation Act para sa ating magsasaka
* Student Fare Discount Act para sa ating mga mag-aaral
* National ID system
* Anti-Red Tape Act
* Anti-Money Laundering Act para sa paglaban sa katiwalian, at sa kapayapaan.
* At ang Anti-Terrorism Act para mapangalagaan ang ating national security.
Yan po ang aking mga resume. Sa kabila ng mahabang panahon na ako ay naglingkod, ang aking laging batayan, ang aking gabay at panuntunan sa aking paglilingkod, ang itinuro sa aking mga magulang: Ang tama ay ipaglaban, ang mali ay labanan.
Sa aking huling mensahe para sa inyo, nais ko lang iparating: 4 pong uwi ng kandidato – mahigit kaming 60. Apat na uri ng kandidato ang maaari ninyong pagpilian. Ang unang kandidato para sa senador ang magtatrabaho at hindi mangungurakot. Ang pangalawa, ang magtatrabaho pero mangungurakot. Ang pangatlo, ang hindi magtatrabaho pero hindi din naman mangungurakot. At ang pang-apat, ang hindi marunong magtrabaho, ayaw magtrabaho, at mangungurakot pa.
Nasa sa inyong kamay kung sinong inyong pipiliin. Wala akong pinatutungkulan maski isa sa mahigit 60 kumakandidato at hindi ko rin po kinakampanya ang aking sarili. Yan po lamang ang ating gawing batayan sa pagpili sa ating mamumuno lalo na sa Senado ng Republika ng Pilipinas.
Mabuhay ang Dagupan, Mabuhay ang Pangasinan, Mabuhay ang bansang Pilipinas! Mabuhay po tayong lahat!
*****

