
From Edd J. Reyes’ column in People’s Taliba: MAY punto si Senator Panfilo Lacson sa aniya ay paulit-ulit na pangyayari kung saan bigla na lang nagkakasakit ang mga kilalang personalidad kapag naaresto sa kasong pandarambong.
PNP General Hospital para sa mga pulis, di sa politiko
Edd Reyes
July 15, 2026
NITONG nakaraang araw ng Linggo, Hulyo 12, 2026, ipinagdiwang natin ang ika-10-taong anibersaryo ng pagkakapanalo ng Pilipinas sa China sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa kabila ng naturang desisyon, patuloy pa rin ang pag-angkin ng China sa teritoryo ng bansa na nasa loob ng 200 nautical-mile ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) dahil ayaw nilang kilalanin ang desisyon ng UNCLOS na nagbabasura sa iginigiit nilang nine-dash-line sa buong South China Sea.
Kung naging malambot ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa paninindigan ng bansa sa ating teritoryong inaangkin ng China, malamang na baka hindi lang ang WPS ang kanilang sakupin, kundi baka pati na rin ang Batanes.
Kaya sa darating na presidential election sa taong 2028, dapat lang na tiyakin ng mga botante na ang pipiliin nilang susunod na lider ng bansa ay seryoso at taos sa puso ang paninindigang ipagtanggol ang teritoryo ng ating bansa.
Kilatisin nating mabuti ang mga pangako ng mga tatakbong lider ng bansa at dapat ay matuto na tayo sa naging pangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sasakay siya ng jet ski patungong Spratly Island para itirik ang bandila ng Pilipinas at sabihing teritoryo ito ng Pilipinas. Bahala na raw kung patayin siya sa lugar dahil ambisyon na rin naman daw niyang maging bayani.
Pero nang manalo na bilang pangulo, inamin niya kalaunan na joke lang at pakitang-gilas lang ang kanyang pangako at tinawag pa niyang “istupido” ang mga naniwala sa kanyang pangako.
Kaya tiyak, sa darating na presidential election sa 2028, lulutang muli ang mga pagtatanong sa mga tatakbong lider kung ano ang magiging paninindigan nila sa ina-angking teritoryo ng China sa WPS at dito, siguradong may kanya-kanya naman silang pangako na kailangang suriin kung wagas ba talaga sila sa pangako o baka naman joke na naman at pakitang-gilas lang.
PNP General Hospital para lamang dapat sa kapulisan
MAY punto si Senator Panfilo Lacson sa aniya ay paulit-ulit na pangyayari kung saan bigla na lang nagkakasakit ang mga kilalang personalidad kapag naaresto sa kasong pandarambong
Nasimulan ito sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na halos apat na taong na-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center at ngayon naman ay sina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Senator Rodante Marcoleta na na-confine sa PNP General Hospital matapos arestuhin sa mabigat ding usapin.
May mga komento tuloy mula sa mga netizens na may VIP treatment sa mga kilalang personalidad na nakakasuhan dahil bago pa man sila arestuhin, nasa maayos naman silang kondisyon pero bigla na lang sumusulpot ang iba’t-ibang uri ng sakit kapag dinakip na ng awtoridad.
Maganda rin ang tanong ni Senator Lacson kung ang dinadakip bang mga kilalang personalidad ang nagbabayad sa gastusin ng kanilang pagpapagamot o kinukuha pa rin sa pondo ng PNP gayung hindi naman sila miyembro ng kapulisan.
Malinaw naman kasi na ang PNP General Hospital ay para lamang sa mga miyembro ng kapulisan at hindi sa mga pulitiko o opisyal ng gobyerno kaya’t hindi talaga maiaalis na may mga lumulutang na hinala na isa itong paraan para tratuhing VIP ang mga naaarestong kilalang personalidad.
Kaya sabi ni Senator Lacson, plano niyang talakayin ang ganitong isyu sa deliberasyon sa Kongreso sa usapin ng budget ng PNP at Department of Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2027 para matiyak na hindi ginagastusan ng pera ng taumbayan ang pagpapagamot sa mga pinaghihinalaang mandarambong.

