Ping: No ID, no (prepaid) SIM

No ID, no SIM.

Ganitong uri ng patakaran ang ipapatupad ng pamahalaan sa sandaling maisabatas na ang panukalang inihain ni Senador Panfilo Lacson tungkol sa paghihigpit sa pagbibenta ng prepaid subscriber identity module (SIM) card sa publiko.

Pangunahing layunin ng Senate Bill 252 na tinaguriang Prepaid Subscriber Identity Module (SIM) Cards Regulations Act of 2016, na sugpuin ang krimen at mga kabulastugang nagaganap gamit ang mga gadgets gaya ng mga cellular phones at iba pang mga kauri nito. 

[Basahin: Senate Bill 252, Prepaid SIM Cards Regulations Act of 2016]

View Fullscreen

Ito ay bunga na rin ng kahirapan na pinagdadaanan ng mga awtoridad na ma-monitor at makontrol ang pag-abuso ng may mga masamang mithiin sa kapwa dahil na rin sa pagkahumaling ng marami sa cellphones at gadgets.

Sa kasalukuyan kasi, ang bentahan ng mga prepaid SIM cards sa bansa ay maihahalintulad na lamang sa bigasan na ang isang bibili ay hindi na kailangan pang magprisinta ng lehitimong mapagkakakilanlan bago pagbilhan.

“With our society becoming more on-the-go, the more we need safeguards against unscrupulous parties who make quick money using mobile technology,” puna pa ng mambabatas.

Sa ilalim ng naturang panukala, mabigat na parusa ang ipapataw sa negosyanteng magbibenta ng SIM card na hindi hihingi ng mapagkakakilanlan o ID.

“Dealers who fail to comply will face a fine of P25,000 for the first offense, P50,000 for the second offense, and P100,000 for the third offense. On the third offense, the president, general manager or other responsible officer of the dealership may also face imprisonment of six months to four years, while the dealership license may be canceled,” malinaw na saad sa panukala ni Lacson.

Kabilang sa mga dokumentong dapat ipakita ng bibili ng SIM cards at tanging kikilanin ng mga negosyante ay pasaporte, driver’s license at iba pang mga ID na may litrato at inisyu ng pamahalaan, bukod pa sa pagsusulat sa registration form.

Ang mga awtoridad ay may kapangyarihang suriin o hingiin ang mga ito batay sa atas ng korte kapag ang isang SIM card ay nagamit sa kriminalidad, eskandalo o anumang uri ng kataranduhan.

“Possession of the most modern technology comes with tremendous responsibility. A mechanism must be put in place to ensure its effective use for the good of all while preventing its illegal or malicious use to benefit a few,” seryosong pahayag ng mambabatas kaugnay sa naturang panukala.

“Towards this end, the State shall regulate the use and sale of pre-paid SIM cards for users of cellular phones and other mobile devices only to persons who shall comply with the requirements herein set forth,” paliwanag pa ni Lacson.

*****

Leave a Reply