Mga Tanod, Wagi sa Lacson Bill

Uulanin ng maraming benipisyo ang mga barangay tanod oras na maging batas ang panukalang isinulong ni Senador at dating Philippine National Police (PNP) Chief Panfilo Lacson.

Related:
Christmas bonuses and more: Lacson bill seeks to uplift barangay tanods’ lot with added benefits

Sa ilalim kasi ng Senate Bill 255 na tinaguriang “An Act Upgrading the Benefits and Incentives of Barangay Tanod Members Who Have Rendered At Least One Year of Service in the Barangay Government” na inihain ni Lacson, magiging malinaw na kung ano ang mga benipisyong matatanggap ng mga barangay tanod, maliban pa sa umiiral na patakaran ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga ito.

Sa panukala ni Lacson, makakatanggap ng Christmas bonus na kalahati sa mga tinatanggap ng mga barangay captain ang mga tanod na umabot na ng isang taon sa serbisyo sa barangay.

[Basahin: Senate Bill 255, Benefits and Incentives of Barangay Tanod Members]

Pagkakalooban din ang mga ito ng pamahalaan ng insurance coverage na katumbas ng 75 porsiyento ng kaparehong benipisyo na tinatanggap ng mga punong barangay.

Kasama rin sa magiging dagdag na biyaya ng mga barangay tanod sa ilalim ng panukala ni Lacson ay ang 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula ng mga anak ng mga ito o pinakamalapit na kaanak na pinag-aaral kung ang mga ito ay sa pambublikong institusyon pumapasok.

Dapat din umanong pagkalooban ang mga ito ng libreng serbisyong legal buhat sa mga tagapagtanggol ng pamahalaan oras na asuntuhin ng kung sinuman habang gumaganap sa tungkulin na panatalihin ang kapayapaan sa pamayanan.

“Through the years, the plight of these Barangay Tanods (is) often neglected. Although they are given some benefits for the task they perform, it is a fact that such benefits are not commensurate with the risks they are encountering while they are on duty,” pahayag pa ni Lacson.

Sa kasalukuyan, tanging allowance buhat sa DILG ang natatanggap ng mga tanod kapalit ng kanilang serbisyo sa barangay na kinabibilangan ng madalas na pagpupuyat dahil sa pagroronda at pagkasuong sa panganib sa pagsaway sa mga makukulit.

*****