Dagdag-singil sa text at tawag ng mga telco sa kalabang network, aalisin na

Inaasahang mababawasan ang gastos ng publiko sa paggamit ng mga cell phones sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa loob ng bansa, bunga ng hakbang na isinagawa ni Senador Panfilo Lacson sa panukala sa Senado na magpapatino sa mga telecommunication companies (telcos).

Sa period of ammendments ng Senate Bill 1636 na tinaguriang Lifetime Cellphone Number Act, ipinadagdag ni Lacson ang probisyon na nagsasaad na tanggalin na ang interconnectivity charges na ipinapataw sa mga cellphone users kung tatawag o magtitext ang mga ito sa telco na kalaban ng kanilang provider.

Isang halimbawa nito ay ang singil sa text o tawag na ipinapataw sa isang Smart subscriber kung kokontakin ang Globe user at ganoon din kung ang gumagamit ng serbisyo ng huli ay kokonek sa una, kahit pa naka-register sila sa tinatawag na unlimited package.

Related:
Lifetime Cellphone Number bill: Sen. Lacson seeks to remove interconnection fees
To give consumers fair shake: Lacson moves to stop telcos from charging interconnection fees

β€œWe are here to protect the consumers. And the consumer, not being made aware he is calling to a different public telecommunications entity (PTE) is being charged with P2.50 for mobile calls and 15 centavos for SMS,” paliwanag ni Lacson sa pagsusulong ng nabanggit na probisyon.

Base naman sa mga datus ng National Telecommunications Commission (NTC), dahil sa interconnectivity charges na naikarga sa local na tawag at text, noong 2016 lamang ay kumita ng tumataginting na P806.9 milyon ang mga telcos.

Ang naturang halaga ay kumakatawan lamang umano sa 0.82 porsiyento ng kabuubang kita ng mga telco sa naturang taon na umabot sa P98.35 bilyon.

Agad namang sinang-ayunan ng sponsor ng naturang panukala na si Senador Sherwin Gatchalian ang probisyon na inilatag ni Lacson kasabay ng pagpapasalamat at pagsasabing malaki ang matitipid ng publiko dahil sa kontribusyo ng huli.

*****

Leave a Reply