Ping: Hinay-hinay muna sa pagbira sa mga pulis na humuli sa mga abogado

Hindi tamang kondenahin at agad na batikusin ang mga pulis na humuli sa tatlong abogado na naabutan ng mga ito sa loob ng nilusob na bar na pinaghihinalaang ginagawang lugar para sa transaksiyon sa mga ipinagbabawal na gamot sa Makati City.

Ito ang naging mensahe ni Senador at Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs Chairman Panfilo Lacson sa mga nauna nang nagbigay ng kanilang opinyon, bago maglabasan ang ilang video sa naturang pangyayari.

Sa mga video kasi na naglabasan, makikitang natameme ang tatlong abogado na nasa loob ng bar, bagama’t tumangging ibigay ang mga pangalan, nang tanungin ng isa sa mga miyembro ng raiding team kung sino ang ikinakatawan ng mga ito.

Related: Lacson: Don’t judge cops who arrested lawyers in Makati raid without getting their side

Sa video ay makikita rin na ipinapaliwanag ng pulis sa tatlong abogado na kung hindi ng mga ito babanggitin kung sino ang kanilang ikinakatawan ay aarestuhin sila at kakasuhan ng obstruction of justice.

Binanggit din sa video na isa sa tatlong abogado ay nauna nang nag-ikot sa loob ng establisiyemento at mistulang nagsasagawa ng sariling imbestigasyon.

Dahil dito, nanawagan si Lacson na pakinggan na muna ang buong panig at paliwanag ng mga miyembro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na lumusob sa lugar bago magbigay ng iba’t ibang kuro-kuro ang mga nagbabantay sa nabanggit na pangyayari.

“Let us not be too hasty or harsh in condemning the NCRPO without getting their side of the story. There is such a thing such as presumption of the regularity,” panawagan ni Lacson na dating naging epektibong pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Kamakailan lamang ay nagpahayag ang kasalukuyang pamunuan ng PNP na seryoso nitong lilinisin ang hanay ng kapulisan laban sa mga tauhan at opisyal na mapang-abuso at sangkot sa mga kriminalidad kung kaya’t naging purisigido rin ang puwersa nito sa opensiba laban sa ilegal na aktibidad, kabilang na ang droga.

*****