Ping: Pulis sa pusher, PDEA/DDB sa bigtime drug trader

Bahala na ang mga pulis sa mga nagtutulak ng droga sa kalye; ang mga malalaking supplier ang atupagin ninyo.

Ito ang naging mensahe ni Senador Panfilo Lacson sa mga pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagdinig ng Senado sa panukalang gastusin ng dalawang ahensiya para sa susunod na taon.

Si Lacson ang chairman ng sub-committee ng Senate Committee on Finance na nagsagawa ng pagdinig sa panukalang gastusin ng mga naturang ahensiya para sa taong 2019.

Related: Lacson to PDEA, DDB: Refocus your efforts vs ‘big fish’

“You have to refocus because the police are now capable of going after street peddlers,” payo ni Lacson kina DDB Chairman Catalino Cuy at PDEA Director General Aaron Aquino sa harap mismo ng ibang dumadalo sa pagdinig.

“You have to concentrate on those at the higher levels,” mariing paalala ni Lacson sa dalawang opisyal.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), pinaglaanan ng P1.979 bilyon ang PDEA, at P258.324 milyon para sa DDB sa 2019. Pero humingi pa ng karagdagang P2.58 bilyon ang PDEA.

Ayon pa kay Lacson, ilang beses na umanong nalulusutan ng mga malalaking kargamento ng ilegal na droga ang Bureau of Customs (BOC) kaya dapat na mas maging listo ang PDEA at DDB.

Sa nabanggit na pagdinig, nasiwalat din na ang purong shabu ay hinahaluan ng ibang sangkap ng mga drug retailers upang mas lumaki umano ang benta ng mga ito.

Kabilang sa mga inihahalo sa purong shabu ay ang ‘Albatross’ (pampatanggal ng amoy sa banyo); mga kendi na Snow Bear at Halls; at tawas, base na rin sa sagot ni Aquino sa naging tanong sa kanya ni Lacson.

Nasiwalat din sa nabanggit na pagdinig na dahil sa mga inihahalong ibang sangkap, bumababa nang hanggang 20 porsiyento na lamang ang pagiging puro ng shabu.
Pinuna din ng mambabatas ang sistema ng pag-iimbak ng PDEA sa mga kumpiskadong droga na ginagamit na ebidensiya sa mga akusado dahil may mga nakakalusot pa rin umano sa asunto.

Base sa datus, nasa P9.7 bilyon ang halaga ng droga na iniingatan ng PDEA sa kasalukuyan bilang ebidensiya laban sa mga akusadong nakumpiskahan sa mga ito sa mga serye ng operasyon na ginawa ng ahensiya.

“I think you should do something about the excessive quantity of dangerous drugs still in your possession… Medyo mind-boggling ang P9.7 billion worth of dangerous drugs,” paalala pa ni Lacson sa dalawang opisyal.

*****