Sa sambayanan may utang ang mga sundalo sa mga biyayang tinatamasa ng mga ito kapalit ng pagiging tapat sa Saligang Batas at tamang pagtupad sa mga tungkulin na nakaatang sa kanilang balikat.
Ito ang binigyang-diin ni Senador at dating Philippine National Police (PNP) Chief Panfilo Lacson bilang pagpapaalala na produkto ng sama-samang pagtatrabaho ng mga mambabatas ang mga batas na nalilikha para sa kapakinabangan ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan kabilang na ang sandatahang lakas.
Ayon pa kay Lacson, maliwanag na naman umano na ang mga senador ay halal ng taumbayan kaya lumalabas na ikinakatawan lamang ng mga ito ang sambayanan sa sa paghinang ng mga batas.
Related: Lacson: AFP owes allegiance to Filipino people
“More than who authored the bills, the members of the AFP can best show their appreciation by serving the country and the Filipino people,” puna pa ni Lacson na kabilang sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1971.
Isa sa mga batas na particular na tinukoy ni Lacson ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Law na nagiging bahagi na ng kasalukuyang usaping pampolitikal sa bansa.
Ipinaalala ng mambabatas na ang pagpapasa ng mga batas katulad ng mga nagbibigay ng benipisyo sa mga kasapi ng AFP ay hindi natatapos sa pamamagitan lamang ng pagsasampa ng panukala kundi pagdalo sa mga pagdinig ng komite at pagsponsor nito sa plenaryo.
Lumalabas sa mga dokumento ng Senado na ang AFP Modernization Act (Republic Act 10349) ay hindi solong trinabaho ni Senador Antonio Trillanes IV, dahil bukod kay Lacson ay inayudahan din ito ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Mismong si Lacson pa ang nag-sponsor ng panukala nang ito ay iakyat sa plenaryo para mas mataas na antas ng talakayan, bukod pa sa serye ng pamumuno sa pagdinig kasama si Senador Gregorio Honasan II.
Maging ang Joint Resolution No. 1, na ipinatupad nitong Enero patungkol sa pagtataas ng suweldo ng mga miyembro ng military at uniformed personnel ay produkto ng sama-samang pagtatrabaho ng mga senador partikular na sina Lacson, Honasan, Koko Pimentel at Senadora Cynthia VIllar.
*****