Pinabibilisan ni Senador Panfilo Lacson sa Department of National Defense (DND) ang pagbuo ng modernong kakayahan at kasanayan sa pagbabantay at pagtatanggol sa bansa laban sa mga pagtatangka buhat sa mga masasamang elemento.
Sa pagdinig ng Finance Subcommittee ng Senado na pinamunuan ni Lacson sa panukalang badyet ng DND para sa susunod na taon, personal na sinabihan ng mambabatas si DND Secretary Delfin Lorenzana na kailangan nang magkaroon ng matibay na pundasyon ang ahensiya sa usapin ng cyber- and technological capabilities.
Ayon kay Lacson, ang kasalukuyang panahon ay mabilis na umuusad patungo sa pagiging ganap na cybertechnology-capable kung kaya’t dapat makasabay ang DND bilang pangunahing sangay-tanggulan ng bansa.
Related: Lacson to DND: Pursue cyber, tech capabilities in age of modern warfare
“We are in an age of biotechnology and artificial intelligence. We should be looking at control of the airwaves and cyberspace,” banggit ni Lacson sa naturang opisyal sa pagdinig ng badyet ng ahensiya nito.
Bahagi ng panukalang badyet ng DND para sa susunod na taon ay ang P6.856 milyon na pondo para sa paglilikha ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Cyberspace Simulation Center.
Nabatid din na hinihiling ng ahensiya na ito ay maipatupad mula sa susunod na taon hanggang sa 2021 subali’t tumutol umano ang Department of Budget and Management at sa halip ay i-eeskedyul na lamang sa 2020 ang paglalaan ng pondo.
Hindi rin umano inaprubahan ng DBM ang balakin ng DND na maglaan ng P23.283 milyon para bumuo ng Cyber Group.
“How can we implement these programs if there is no funding?” nagtataka pang banggit ng mambabatas.
Ayon pa kay Lacson, mahalagang magkaroon na ng ganitong kakayahan ang DND dahil na rin sa pagiging moderno ng mga teknolohiyang ginagamit ng mga kalaban ng estado.
“Hindi ba dapat doon na tayo papunta? I think you should pursue that,” banggit pa ni Lacson bilang pagsang-ayon at pagsuporta sa nabanggit na programa ng ahensiya ni Lorenzana.
*****