Mailalagay na sa mas tamang estado ang mga nais maging miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos na maisabatas ang panukalang nagtatakda sa institusyong pagsasanayan ng mga ito na iniakda ni Senador Panfilo Lacson.
Ang Senate Bill 1898 ni Lacson ay naging ganap nang batas o Republic Act 11279 matapos na ito ay malagdaaan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na Abril 12 ng kasalukuyang taon at isinapubliko nitong nakalipas na araw.
Sa ilalim ng naturang batas, mula sa Philippine Public Safety College (PPSC), ang PNP na ang mangangasiwa sa pagsasanay ng mga nais na maging miyembro ng kapulisan.
Related: Batas Na! Lacson Bill Transferring Police Recruits’ Training to PNP Signed into Law
Ang panukalang naging batayan ng batas ay una nang inihain ni Lacson upang maiwasan na ang mga alingasngas sa pagsasanay ng mga police trainees at recruits na kadalasan ay humahantong sa kontrobersiya o iskandalo.
Sa ilalim nito, ang PNPA na nagsasanay sa mga commissioned officers at ang National Police Training Institute (NPTI) na nangangasiwa sa mga non-commissioned officers ay parehong isasailalim na sa kontrol ng PNP.
Ang PNPA na siyang nakakasakop sa commissionships ng Police Lieutenants ay pangangasiwaan ng Office of the Chief PNP samantalang ang NPTI na ang bahala sa mga mas mabababang ranggo.
“With the transfer to the PNP of the training of police recruits, we can strengthen the foundation of a competent police force not just physically but also morally,” pahayag ni Lacson na naging pinuno ng PNP mula 1999 hanggang 2001.
Matutulungan din umano ng naturang batas ang liderato ng PNP na mas mapalakas ang mga hakbang na ginagawa nito para muling malinis ang hanay ng mga kapulisan na nitong mga nakaraang araw ay nakulapulan ng samu’t saring usapin na lalong nagpadismaya sa publiko.
Kabilang sa mga iskandalong kinasangkutan mga nasa hanay ng kapulisan na naireport sa media ay ang panunuhol, pangingikil, kidnapping, droga at kahit na pagtatanim ng ebidensiya.
Karamihan sa mga nasasangkot ay mga baguhan pa lamang sa serbisyo na maaring isa umanong matibay na indikasyon na marupok ang pundasyon ng pagsasanay na pinanggalingan ng mga ito.
“By delegating the training of recruits to individuals who are bereft of intellectual, physical and most importantly, moral competence, we do not only weaken the enforcement of the law; we also invite scorn and contempt for our national police force,” banggit pa ni Lacson.
“I feel the pain of having the name of the institution I once served with pride, dignity, and honor being dragged through the mire by police scalawags. Amid these anomalies that spark public outrage, we see clearly the lapses in the recruitment and education of our police officers – phases that make up the formative stage of becoming a law enforcer,” pahabol pa nito.
“By instituting reforms in the current system, we are strengthening the foundation of a highly efficient, effective and competent police force,” ayon pa kay Lacson.
*****