Ping sa Publiko: Sama-sama Tayo sa Pagkapa sa Pork sa 2020 Budget

Thumbnail No to Pork Barrel

Muling hinikayat ni Senador Panfilo Lacson ang publiko na tumulong sa pagbabantay sa gagawing deliberasyon ng lehislatura sa mahigit P4 trilyong panukalang badyet para sa 2020.

Ito ay upang hindi na makalusot pa ang pork barrel at mga walang kabuluhang alokasyon na taun-taon na lamang ay isinisingit ng mga tiwaling mambabatas at opisyal.

“Any technical support from the outside will certainly help in our scrutiny of the 2020 budget books,” pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Bilang nangunguna sa kampanya laban sa katiwalian at pork barrel sa pambansang gastusin, isiniwalat ni Lacson na malaki ang maitutulong kung sasamahan siya ng publiko sa pagsuri sa mga pondong inilalaan sa mga proyekto.

“This is taxpayers’ money we are talking about. We should not allow a greedy few to lay their grubby hands on it, to put it mildly,” mariing paalala ni Lacson sa publiko.

Related: Hide and Seek: Lacson Enlists Public’s Help in Tracking Down Pork in 2020 Budget

Matinding pagkaantala ang pinagdaanan ng pambansang gastusin ng pamahalaan para sa 2019 dahil sa mga nakasuksok na pork barrel sa iba’t ibang pondo, kung kaya’t sa tulong ng publiko ay maaga umanong madidiskubre ang mga ito at di na magtatagal pa sa lehislatura.

Nadiskubre pa na ang mismong dating liderato ng Mababang Kapulungan, sa tulong ng mga kaalyado nito, ang nagmaniobra sa mga gastusing nakapaloob sa sa 2019 national budget kahit pa ito ay nairatipika na – isang malinaw na paglabag sa Saligang Batas.

“Budget deliberation starts this week in the 18th Congress. It is time to play another protracted game of ‘hide-and-seek’: they hide, we seek,” ayon kay Lacson.

Nitong Abril 15 lamang nalagdaan ang 2019 national budget pero ito ay matapos na i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa P93.5 bilyon na alokasyon sa mga kuwestiyunableng pagkakagastusan na una nang nadiskubre ni Lacson.

Nitong nakalipas na Hulyo, inihain ni Lacson ang Senate Bill 24 na naglalayong isabatas na ang partisipasyon ng publiko sa pagtalakay ng Kongreso sa pambansang gastusin.

*****