PingBills | ‘Designated Survivor’ ang Peg: Dapat May Reserbang Presidente ang β€˜Pinas – Ping

Ipinanukala ni Senador Panfilo Lacson ang pagkakaroon ng “reserba” pang lider ng bansa sakaling mapahamak ang Bise Presidente, Senate President at House Speaker na batay sa Saligang Batas ay kahalili ng Pangulo kung hindi na nito kayang mamuno.

Isinampa ni Lacson ang Senate Bill 982, na tinaguriang “Designated Survivor” Bill na naglalayong hindi mabakante ang liderato ng pamahalaan at magtuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng gobyerno sakali mang mapahamak ang mga nabanggit na opisyal.

“This bill … seeks to provide an exhaustive line/order of presidential succession in the event of death, permanent disability, removal from office or resignation of the Acting President to ensure that the office of the President is never vacated even in exceptional circumstances,” paliwanag ni Lacson.

Related: PingBills | Lacson Files ‘Designated Survivor’ Bill to Ensure Gov’t Stability

View Fullscreen

Ang panukalang batas ay bunga na rin ng patuloy sa pagtaas na banta ng terorismo sa iba’t ibang panig ng mundo, mga kalamidad at “exceptional circumstances” na maaring magbunga para hindi magampanan ng Bise Presidente, Senate President at House Speaker ang responsibilidad na minana sa pinalitang Presidente.

Sa ilalim ng panukala, tatlo ang kwalipikadong mamuno sa pamahalaan sakali mang hindi na umubra ang nasa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan:

* Pinakabeteranong miyembro ng Mataas na Kapulungan batay sa haba ng taon ng paninilbihan bilang senador;
* Pinakabeteranong miyembro ng Mababang Kapulungan na may pinakamahaba ring taon sa serbisyo bilang Congressman;
* Miyembro ng Gabinete na inatasan ng Pangulo.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, nasa linya ng presidential succession ang Bise Presidente, Senate President, at House Speaker.

Nakasaad din sa panukalang batas na kapag ang lahat ng mataas na lider ng bansa ay nasa isang pagtitipon, dapat may inatasan ang Pangulo na nakahandang pamalit sa mga ito, at nakatago sa isang ligtas na lugar para mamuno sa bansa sakali man na silang lahat ay mapahamak nang sabay-sabay.

“In the event of an extraordinary circumstance resulting in the death or permanent disability of the President, Vice President and the officials mentioned… the designated member of the Cabinet shall act as President,” saad sa panukala.

Matitigil lamang ang pagganap bilang pinuno ng pamahalaan ng “Acting President” 90 araw matapos na maluklok sa puwesto ang bagong Pangulo.

*****