Isinusulong ni Senador Panfilo Lacson ang malalimang imbestigasyon ng Senado sa isang sindikatong “tong-pats” sa loob ng Department of Agriculture, na makikinabang sa rekomendasyon ng ahensya na ibaba ang taripa at taasan ang minimum access volume (MAV) ng imported na baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ito ay makaraang makarating sa kaalaman ng mambabatas ang impormasyong limpak-limpak ang “tong-pats” na nakokolekta ng ilang mapagsamantalang nasa gobyerno, habang malalagay sa alanganin o tuluyan nang pagkamatay ang lokal na industriya ng babuyan sa bansa, bukod pa sa malaking halagang nawawala sa ekonomiya at manganganib ang kalusugan ng publiko.
“We should unmask who is/are behind this scheme no matter how powerful and influential he may be with this administration. I want to see even a whiff of enthusiasm from the President to order the Presidential Anti-Corruption Commission and other concerned agencies to investigate, not to mention heed the call of the Senate to disapprove the DA’s recommendation to reduce the tariff and increase the volume of pork importation. Let’s see,” mariing pahayag ni Lacson.
Nakipag-ugnayan na rin ang mambabatas sa pamunuan ng Mataas na Kapulungan kaugnay sa kanyang hangarin.
“I have talked to Senate President Vicente C. Sotto III to have the Senate look into this, so we can get the documents we need. So far, we have received documents from the Bureau of Customs and DA. Still, we need more data to get to the bottom of the anomaly,” paliwanag ni Lacson sa panayam sa TeleRadyo.
Related: Lacson Pushes Senate Probe of ‘Tong-Pats’ Racket in Hog Importation
Ayon pa kay Lacson, bilang pinuno ng Department of Agriculture ay dapat na alam o kaya ay naaamoy ni Secretary William Dar ang aktibidad na ito umiikot sa Minimum Access Volume (MAV) Management Committee.
Ang MAV committee na pinamumunuan ni Acting Undersecretary William Medrano at kinabibilangan ng Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS) ang nangangasiwa sa import permits pati na ang pag-isyu ng Phyto-Sanitary Import Clearance (PSIC), at nagbibigay ng quota sa dami ng puwedeng angkatin ng isang importer at sa aspetong ito umano posibleng nagaganap ng “SOP.”
“This practice has been going on for several years now. For example, between June and October 2018, imported pork from banned countries due to the ASF like Belgium, Hungary, Germany and China flooded the local market which prompted the issuance of a memorandum order by then DA Secretary Emmanuel Piñol,” pagbubunyag ni Lacson.
Ang pagkamatay ng lokal na industriya dahil sa walang habas na impormasyon ay ipinarating sa Senado sa pamamagitan ng sulat na ipinaabot ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) party list kay Senate President Sotto, kalakip ang mensaheng nababahala na ang may 80,000 backyard hog raisers bunga ng nabanggit na rekomendasyon ng DA sa mas pinaraming pagpasok ng inangkat ng karne.
Ayon kay AGAP president Nicanor Briones, hindi tutol sa importasyon ang kanilang grupo pero hindi na umano katanggap-tanggap ang pag-angkat ng 400,000 metriko tonelada ng karne ng baboy ay siguradong magdudulot ng oversupply at malamang na mawalan pa ng nasa P13.95 bilyon ang gobyerno sa koleksiyon ng buwis.
Nagpaabot na rin ng pagkabahala kay Dar ang ilan pang grupong nasa sektor ng manukan dahil sa bagay na ito kasabay ng panawagan na panatilihin na lamang sa P23.4 milyon kilos kada taon ang payagan na makapasok sa bansa.
Bahagi din ng panawagan kay Dar ang panganib na dulot na dala ng mga inangkat na nabanggit na produkto dahil kadalasan sa mga sakit ay nanggagaling sa mga nagmumula sa ibang bansa.
Ang “tong-pats” sa nabanggit na aktibidad ng DA ay una nang isiniwalat ni Lacson sa pamamagitan ng kanyang interpelasyon sa plenaryo ng Senado kasabay ng panawagan sa PACC na imbestigahan ito.
“I received this disturbing information from a highly placed source who has knowledge of the modus operandi within the agency that at present rates of 30-percent tariff on in-quota hog importation and 40 percent for off-quota importation, mayroong umiiral na kalakaran na tong-pats or ‘SOP’ of P5 to P7 per kilo,” bahagi ng interpelasyon ni Lacson sa isang Senate Resolution na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang rekomendasyon ng DA.
Saad sa resolusyon ang mga detalyeng ang importasyon na hanggang 54,000 metriko tonelada (MAV quota) ay papatawan ng 30 porsiyentong taripa at kapag lumagpas na ay nasa 40 porsiyento na ang babayaran ng mga importer.
Binanggit din sa resolusyon na mula sa 30 ay gagawin na lamang 5 porsiyento ang taripa sa mga importasyon na nasa loob ng MAV at mula 40 ay gagawin nang 15 porsiyento na lamang ang mga lagpas sa MAV.
Kung mangyayari umano ito at aaabot sa 404,000 MT (400 milyong kilo) ng inangkat na karne ang papasok sa bansa, maaaring aabot sa P10-P15 mula sa umiiral na P5-7 ang tong-pats ng sindikato – at aabot sa P4-P6 bilyon ang kita nila sa 400,000 MT.
“Gusto kong manawagan sa PACC to conduct a motu proprio investigation to find out kung totoo ba na at current tariff rates ang sa volume 54,000 metric tons, kung may P5-7 tong-pats per kilo, dapat alamin natin ito. Kaya siguro nagpipilit na ibaba ang tariff at itaas ang volume. Kasi katakot-takot ang balak kitain ng mga sangkot” ayon sa mambabatas.
“Nasaan na ang konsensya ng mga taong iyan, who, in the middle of a deadly pandemic, nagsasamantala pa para pagsamantalahan ang African Swine Fever?” banggit pa ng mambabatas.
Ang nabanggit na raket ay puwede umanong mataguriang COVID corruption dahil kahit ang bansa ay nasa ilalim ng pandemya ay nagawa pa ring pagsamantalahan ang publiko.
“Covid capitalism vs Covid humanitarianism. In theory, the choice is clear. Unscrupulous people have another choice: Covid corruption. On their day of reckoning, they will burn in hell,” banggit pa ng senador sa Twitter.
Covid capitalism vs Covid humanitarianism. In theory, the choice is clear. Unscrupulous people have another choice: Covid corruption. On their day of reckoning, they will burn in hell.
— PING LACSON (@iampinglacson) March 14, 2021
Pinangunahan ni Senate President Sotto ang nabanggit na resolusyon at bukod kay Lacson ay naging mga may-akda rin sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, majority leader Juan Miguel Zubiri, minority leader Franklin Drilon, Cynthia Villar, Francis Pangilinan, Sonny Angara, Nancy Binay, Pia Cayetano, Richard Gordon, Leila de Lima, Ronald dela Rosa, Manuel “Lito” Lapid, Imee Marcos, Ramon Revilla Jr., Emmanuel Pacquiao, Grace Poe, Francis Tolentino, at Joel Villanueva.
*****
One thought on “Ping: Sebo ng ‘Tong-Pats’ sa Imported Baboy, Imbestigahan”
Comments are closed.