Sen. Lacson’s Speech at Rally in Mawab, Davao de Oro

Governor Dot, Vice-Governor Franco… Si Vice-Governor pala siya yung presidente ng Philippine Military Academy Parents Association dahil yung anak niya baron ng Class 2012 ng PMA. So, Cavalier na rin ang tawag ko kay Vice-Governor. Of course, kay Congressman Ruwel, kay Mayor Rupert at saka yung mga kasama natin dito, magandang umaga. At maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap mula pa kaninang umaga.

Alam niyo, kasisimula pa lamang ng campaign period noong Martes, halos wala pang isang linggo pero katakot-takot na pangako na, katakot-takot na matatamis na salita na ang inabot natin, hindi ba? Galing sa mga national candidates, maski saan. Now, kami, hindi kami mahilig mangako. Sinasabi lang namin yung nagawa na namin, ginagawa pa namin at yung gagawin pa namin—maliwanag. Mag-fo-focus na lang po ako sa isang plataporma.

Pero bago muna yon, gusto ko munang bigyan ng komento yung sinabi ni Secretary Manny Pinol. Sabi niya ang problema raw sa akin hindi ngumingiti. Magpapaliwanag po ako sa kaniya kung bakit ako ganoon. Pag-graduate ko sa Philippine Military Academy, 1971, napakatagal nang panahon, ano, 50 years, e alam niyo Philippine Constabulary yung aking major branch of service. Mayroon pang PC noong araw bago pa ito naging Philippine National Police.

Naharap po ako sa law enforcement [at sa] araw-araw na ginawa ng Diyos, ang kaharap ko problema ng ibang tao. Nabugbog po ako, nanakawan po ako, nakidnap po yung anak ko, na-rape po yung anak ko. Paano kayo mangingiti? Noong ako’y naging senador, ganoon din. Tuwing makikita yung national budget at ako’y nag-i-scrutinize, puro problema nakikita ko. Ang daming naaaksaya, alam kong hindi magagamit, alam kong maaabuso yung paggamit, paano kayo mangingiti?

Araw-araw, ang dumadating na mga information sa akin, sa aking opisina, issue ng mga katiwalian – Bureau of Customs, yung fertilizer scam, tapos may Jose Pidal, yung PhilHealth, Department of Health – lahat mayroong korapsyon. Nagtataka nga ako ngayong panahon ng eleksyon, lahat po galit sa korapsyon. Maski yung corrupt galit sa korapsyon pag kausap kayo. Lahat galit sa korapsyon.

Now, sabi ko mag-focus na lang ako sa isa sa aming mga plataporma. Marami po kaming programa ni Senate President Sotto, nakalinyada po ‘yan – concrete, doable or implementable, at saka future-perfect. ‘Pag sinabing future-perfect, it can withstand the test of time, pangmatagalan. Halimbawa ‘yung sa kalusugan, nabanggit kanina ni Governor Edwin sa Davao del Norte – “zero billing.” Wala pa pong intervention ang national government. Ang ginagamit lang doon yung SOP. Alam niyo isang distrito ni Congressman Alvarez ini-expand niya sa buong probinsiya na, sinakop pa yung kabilang distrito. Hindi ba napakaganda? Ang panalangin nga natin at inaasahan natin, at kami kumpiyansa na puwedeng gawin sa Davao de Oro, sa pamumuno ni Governor Dot at ng kaniyang mga kasama.

Ngayon, tinanong ko si Mayor Rupert kanina. Ang income ng Mawab, itong inyong munisipyo, yung local revenues lang, P119 million. Yung inyong IRA, dahil napakaliit… Alam niyo yung land area ng Mawab? Wala pang 3 percent ng total land area ng Davao de Oro – 2.98 percent. Yung population, ganoon din, nasa mga five-plus percent ng buong – yan yung buong Davao de Oro. Ngayon, paanong aasenso ang isang maliit na bayan – landlocked pa – na tulad ng Mawab? Ito po yung solution. Yung nabanggit na rin kanina ni Senate President Sotto. Konkreto po ito, kaya pong gawin ito at talagang gagawin namin.

Matagal na naming advocacy ito, yung tinatawag naming BRAVE (Budget Reform Advocacy for Village Empowerment). Pag sinabi nating village empowerment, ibababa natin yung pondo – nabanggit na ni Senate President – mula national pababa ng local.

Ginawa na po namin ito, ako partikular na, noong nag-Chief PNP po ako massive internal cleansing. Sabi ko stop ang kotong. Nasunod in a matter of three, four months nawala po yung kotong sa kalsada, yung mga kotong cops, yung kotong culture nawala po. Lumaki yung kita ng ating mga tsuper, yung ating mga biyahero pati yung mga truck drivers – lahat. Kasi araw-araw nawawala sa kanila, jeepney driver halimbawa sa Manila, P300 sa kotong. Naka-ready na pati yung mga truckers P1,000 kada biyahe. Maggugulay ganoon din, yung galing sa Baguio sa Benguet pupunta ng Divisoria o kaya ng Balintawak – P1,000. E di dagdag yon sa presyo. Alangan namang akuin yon ng maggugulay.

So BRAVE. Sa ilalim ng BRAVE, pwedeng bigyan ang bawat barangay ng at least P5 million – no, maximum – P3M to P5M per year from the national budget. Bawat munisipyo, tulad ng Mawab, uubrang bigyan hanggang P100M kada taon sa national budget. Ipapaliwanag ko sa inyo kung bakit, kung paano. Bawat probinsiya, Governor Dot, kayang bigyan hanggang P1B kada taon.

Alam niyo ba ang hindi nagagamit sa ating national… Kaya ako may basehan laging data-driven ako e. Hindi ako nagsasalita ng walang back-up. Alam niyo ‘yung ibang kandidato basta’t nakapagsalita, lahat kayo mayroong ganito, lahat kayo mayroong ganoon, anong pinanggalingan? Walang kuwenta; ibig sabihin, no accounting, walang datos. Ipaliwanag ko sa inyo. Mula 2010 hanggang 2020, ang ating national budget, alam niyo ba kung magkano ang hindi nagagamit na binabalik sa Treasury? Dahil hindi nga nagagamit, ang tawag doon “unused appropriations.” Mag-a-appropriate tayo, halimbawa 2022, P5.026T ang ating national budget. Itong nakaraang taon, 2021, P4.5T. At noong nakaraang taon pa pag in-average natin yung hindi nagagamit – palobo nang palobo yung budget – P328 billion.

Now, ilan ba ang probinsiya natin sa buong Pilipinas? 81. ‘Pag binigyan natin ng tig-iisang bilyon, magkano yon? P81-billion, di ba? Lagpas-lagpas yung P328B. Pag binigyan natin yung lahat ng munisipyo ng tig-P100 million – mayroon tayong 1,488 municipalities in the entire country – magkano lang yon? Mahigit P140 billion, pasok pa rin sa P328 billion. Ilan ang ating barangays? 42,046. Bigyan natin ng tig-P5M, kaya. Kaysa hindi magamit, ipagamit natin. Now, mechanics, paano natin gagawin? Yung ating National Expenditure Program ng national government, dapat yan pinagmumulan Barangay Development Council, aakyat ng Municipal Development Council, pupunta ng Provincial Development Council hanggang sa makarating ng Regional Development Council.

Alam niyo ba sa pagbubusisi ko sa budget, napag-alaman ko, tinanong ko ito sa DBM: Bakit 20 percent lamang ng mga ini-endorso ng Regional Development Council na nanggaling sa inyo – barangay, municipal, provincial – bakit 20 percent lamang ang ina-adopt, ang kinukuha as endorsed by the Regional Development Council? Kaya nga napakalaki ng disconnect, hindi magkakonekta e. Sino ba ang mas nakakaalam ng mga pangangailangan – yung needs – at saka mga prayoridad – yung priorities – ng Mawab? Kundi si Mayor Rupert. Mas alam pa ba ng national yon?

Bigyan ko kayo ng isang example. Alam niyo noong, as early as 2016, pinaglalaban ko po ito. Nag-file po ako ng bill dito – BRAVE. Panahon na para pagbigyan natin ng inisyatiba yung mga local government units at ibalik natin sa kanila yung pag-implementa. Pag sila’y nag-implement, di ba magkakaroon ng jobs kasi maraming proyekto – may livelihood, may infrastructure, may social services, kailangan ng trabahante. Dahil yung mga kamag-anak ninyo na nandoon sa halimbawang Davao City at nakikipagsapalaran at hindi makakuha ng trabaho kasi nga mahirap ang buhay. Yung iba nasa Metro Manila naghahanap ng trabaho, nag-i-informal settlers pa. Pag lahat ng munisipyo kasama yung Mawab, lahat ng probinsiya kasama yung Davao de Oro, e lahat mayroong mga proyekto, hindi ba tatawagan niyo kamag-anak niyo “Umuwi na kayo rito kasi may trabaho rito. Kulang nga kami ng mga mason, kulang kami ng mga piyon, kulang kami ng mga karpintero. Sa livelihood, kulang kami ng mga researcher, kulang kami ng mga mag-di-distribute. Umuwi kayo, may trabaho.”

Now, hindi naman kayo pwedeng mag-import ng labor galing sa kabilang probinsiya, halimbawa Davao del Norte, e sasabihin ni Governor Edwin: “Hindi, hindi. Kailangan ko rin yung mga tao namin dito kasi mayroon din kaming P1B.” At alam niyo ba yung P1B na yon for provinces at yung P100 million sa munisipyo, for development lang yon. Hindi pwedeng i-realign papuntang MOOE, hindi pwedeng i-realign papuntang PS o yung personnel services. Kasi taken care of na sa IRA yon e, pati calamity fund. Alam niyo yung IRA? P215 million ang IRA ng Mawab, five percent noon pupunta sa calamity fund; 20 percent lang noon ang pwedeng gugulin ng munisipyo para sa development. Yon ang nakasaad doon e. So magkano yung 20 percent ng P215 million? Nasa mga P40-plus million lang. Anong klaseng development ang magagawa mo sa P40 million? E ang local revenues naka-allocate na rin yon. Ngayon kung dagdagan mo yon taon-taon ng P100 million, di ba from 3rd class or 4th class aakyat ka, may pag-asa kang umakyat papuntang 2nd class, even 1st class municipality. Depende na sa kakayanan ng mga namumuno.

Now, may mga munisipyo naman, mga municipalities walang kakayanan. Probably ‘yung kanilang community planner o kaya yung planning officer e kapos, hindi masyadong maalam. Well, diyan mag-i-intervene ang government. Mayroon naman tayong Local Government Academy, mayroon tayong Development Academy of the Philippines na puwedeng tumanggap sa kanila, mag-aral kung paano gumawa ng maayos na plano at paano mag-implement. Ang tawag doon capacity building. I-ca-capacitate natin yung mga munisipyong medyo kulang, ibig sabihin, incapacitated – tulungan. Alam niyo ang problema kasi ang intervention ng ating national government nasa regulation, overregulated na. Ang kailangang intervention ‘yung positive. Halimbawa sa Davao del Norte, dalawang distrito “zero billing.” Ano ba yung tulungan ng national government, i-subsidize para matulungan yung “zero billing” ni Congressman Bebot Alvarez? Di ba mas marami pang matutulungan, ma-e-expand pa ‘yung “zero billing.” Baka pati yung gamot o pati yung check-up malibre na rin. Ganoon din sa Davao de Oro.

Yun ang kailangan nating intervention ng national government. Hindi yung intervention na lagi na lang merong regulasyon. Sumunod kayo kung hindi may sanction kayo. Laging ganoon. Maski sa pribadong sektor, sa business sector, sa halip na itratong partner sa progress, sa development, parang ang trato ng national government sa ating business sector [ay] competitor. Bakuna, for example, ito mabanggit ko na rin on the side, marami kaming kaibigan ni Senate President [na] malalaking businessmen. Una pa lang sabi nila kami na yung bahalang bumili ng bakuna namin, ng vaccines namin, para sa mga empleyado namin. Marami ito – SM, ICTSI, San Miguel – lahat sila nag-volunteer. Imagine that offer. Ang sabi ng national government “Hindi. Kami lang ang puwedeng mag-procure. Kayo, dadaan kayo sa amin.” Disincentive. E kung pinayagan nila? Matagal na rin siguro tayong nakapagbakuna ng napakaraming Pilipino. Para bang ang trato hindi citizens ng Republic of the Philippines ‘yung mga empleyado ng mga malalaking kumpanya.

Local government units, yung malalaking LGUs, yung mayayaman – Quezon City, karamihan na sa Metro Manila – sabi nila gusto na rin naming bumili ng sariling bakuna para sa constituents namin at puwede kaming makipag-partner sa mga maliliit na probinsiya, maliliit na mga munisipyo, tutulungan namin sila. Yung bibilhin naming bakuna, i-sha-share namin sa kanila. Anong sabi ng national government, ng DOH? Hindi pwede. Tripartite, dadaan kayo sa amin. Tinamad ngayon. E kung nagkatotoo sana yon matagal na tayong nakaahon. Yon po ang problema. So yon ang pangunahin sa aming programa, yung Budget Reform Advocacy for Village Empowerment.

Now, anong basehan ko nito? Sabi ko nagawa ko na. Noong Chief PNP po ako, noong pinatigil ko yung kotong, nawala yung kotong noong panahon ko. Sabi ko tanggalin natin ang kotong pero ang pondo ng ating national police… Ang pondo namin noon natatandaan ko nasa mga P10-P11B, yung buong Philippine National Police, 1999 hanggang 2001. Tinawag ko yung aking controller, si Congressman Acop ho ngayon yon sa Rizal. Sabi ko bakit ganito 60-40? 60 percent nasa national headquarters; 40 percent doon sa mga pambala sa kanyon, ‘yung lumalaban sa NPA, lumalaban sa mga holdaper. Sabi ko baligtarin natin. Headquarters lang tayo, 15% lamang ang maiwan. At all levels 15% lang budget natin na sa national headquarters sa Crame, 15 percent lang maiiwanan sa mga regional headquarters, 15 percent lamang maiiwanan sa provincial headquarters. The rest ibuhos natin sa ating mga kapulisan sa buong kapuluan, tingnan ko kung mangotong pa sila.

Alam niyo pinagsisimulan ng kotong na naaabuso. Sa simula may mag-co-complain, sasabihin nung sarhento de mesa Opo gusto namin kayong tulungan pero wala po kaming pang-gasolina, wala po kaming pangkain sa tao. Siyempre ikaw hihingi ng tulong, sa umpisa Sige, tutulungan namin kayo. Pero nakatanim sa isipan yan nung humingi ng tulong Teka muna, naholdap na ako hoholdapin pa ako sa presinto? Doble holdap. Kaya nung ibinaba ko yung pondo naging episyente. Tumaas ‘yung Crime Solution Efficiency, gumanda yung peace and order situation. Ganoon lang po ang solusyon. Minsan napakapraktikal, napaka-common sense pero ayaw gawin dahil merong agenda.

Ang mabigat pag napasukan ng personal na agenda, wala na, sira na ang kamada. Kaya kanina ini-explain ko kay Mayor, sabi ko kung ganiyan ang inyong local income, local revenue at ganiyan lang yung IRA e baka hindi kayo makaalis sa inyong classification, di ba? Isyu nga raw bakit hanggang ngayon hindi pa kayo 2nd class. E pag natupad po ito, ‘pag na-implement itong P100 million a year. Mayor, sabihin mo, anong kaya niyong gawin na for development, purely for development, anong kaya niyong gawin sa P100 million every year? Napakarami. Gov, P1 billion a year, sabihin nating P500 million na lang, napakarami, purely for development.

Pati mga OFWs natin, mga engineers natin, pupwedeng pauwiin. Umuwi kayo kasi kailangan namin ng mga engineers dito, mga civil engineers. Kailangan natin dito kasi mayroong job generation e.

Now, panghuli, ito pinagtataka namin, ano, lagi din naming pinag-uusapan ito. Tayong lahat takot manakawan, di ba? Sinong hindi takot manakawan dito? Wala, lahat. Pero tuwing eleksyon tayo pa ang bumuboto ng mga magnanakaw. Sa Mayo, malamang sa hindi may maboto na naman tayong tayo mismo ang pagnanakawan. Yon ang malaking diperensya ng sinasabi nating ordinary thief o yung magnanakaw na ordinaryo at ‘yung political thief o ‘yung magnanakaw sa gobyerno.

Ang magnanakaw na ordinaryo, sila yung pumipili ng nanakawin at saka nanakawan kasi targeted e. Yung magnanakaw sa gobyerno, tayo ang pumipili sa kanila para pagnakawan tayo. Ang masakit, ang pinakamasakit ito… Yan ang dahilan kung bakit hindi ako ngumingiti dahil yan ang ating hinaharap, katakot-takot na problema. Ang pinakamasaklap, alam niyo ang ninanakaw sa atin ng mga magnanakaw sa gobyerno? Yung ating karapatan sa kalusugan; ‘yung ating karapatan – karapatan ng mga anak natin sa magandang edukasyon; yung karapatan ng ating magsasaka sa agriculture. Ang pinakamabigat, yung karapatan ng ating mga kabataan sa isang magandang kinabukasan. Yon po yung ninanakaw sa atin. Kaya dapat pag-upo natin doon sa polling booth isipin muna natin Pagnanakawan kaya ako nito? Tapos medyo balikan natin Ano ba istorya nitong taong ito? Kasi madaling magsabi, pag nasa entablado, ang daling magsabi galit ako sa magnanakaw, lipulin natin ang magnanakaw. Tapos nakaganoon e hindi alam yung ibang daliri sa kaniya naman nakaturo. Yon po yung ating problema.

So, kami po, kung ano man ang kahinatnan natin sa Mayo 2022, ang aming malaking consolation hindi man po kami manalo, at least man lang nai-contribute namin yung itong mga aral, yung aming mga paalala sa inyo na puwede niyong pagbatayan pag kayo’y nagsisisi na from 2022 hanggang 2028 para yung susunod na eleksyon, kami hindi na kami kasali doon definitely. Para pagboto ninyo uli sa 2028, maalala niyo na ngayon araw na ito – ano hong petsa ngayon? February 12. Birthday pa pala ng misis ko, nakalimutan kong batiin. Maalala niyo na nakatayo ako rito at pinapaalalahanan ko kayo. Huwag na yung sa May 2022, sa mga susunod na halalan, lalo yung mga kabataan natin na siyang magiging lider, susunod na lider dito sa ating bansa.

Isipin natin yung kinabukasan ng ating bayan. Ang pinakamahirap mangyari yung alam niyo sa pagtanda natin, nakaupo tayo sa rocking chair inaalala natin yung mga nakaraan natin, minsan nangingiti tayo, minsan naiiyak tayo. Tapos ang pangunahin pang papasok sa isip natin humihingi tayo ng tawad sa kabataan. Patawad, kabataan. Patawad sa susunod na henerasyon, hindi namin ginawa ang dapat naming gawin kaya nagkaganito ang ating bansa.

So yon po yung aking mensahe ngayong umaga. Sana po’y maski papaano nagkaroon tayo ng pakikipag-ugnayan along that line. Napakaimportante po pagpasok natin sa polling booth pag-aralan natin pong mabuti ang ating mga pipiliin at baka mapili natin yung magnanakaw sa atin.

Maraming salamat po at magandang umaga sa ating lahat.

*****