Una muna, gusto kong batiin ang aking mga inaanak si Mayor Ramil at saka si Congresswoman Joanna. Of course, batiin ko rin si Governor Dotdot, Governor Edwin Jubahib ng Davao del Norte, si Vice Governor Franco Tito, at yung aking mga kasama; of course, si dating Speaker at Congressman Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na ngayo’y nasa First District ng Davao del Norte.
Ang sigaw ng Partido Reporma at ng tambalang Lacson-Sotto: Aayusin ang gobyerno upang maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino. Ano ang aayusin natin sa gobyerno? Marami po. Kaya ang problema natin sa Pilipinas napakarami kasi may mga problema na binibigay ng ating gobyerno. Sa aming pananaw, ang pinakamalaking problema ng ating bayan, gobyerno; at ang solusyon, gobyerno rin. The biggest problem or the number one problem of our country is government, and the solution lies in the face of the government itself. It is called good government.
Halimbawa, hindi lamang po sa national government maski sa local level, malaki ang problema ng gobyerno. Naririnig natin yung mga local government units, ano, yung conflict of interest, halo-halo na. Yung procurement o yung binibili ng halimbawa provincial government o ng local government, ginagamit na pang-negosyo. Hindi po ba mali yon? Kaya hindi maayos ang buhay ng Pilipino kasi hindi maayos ang gobyerno.
Now, bakit kailangang ayusin natin ang gobyerno? Ito na lang, ano, 2021 yung Corruption Perception Index, ito’y kinabibilangan ng 180 countries all over the world – 180 bansa sa buong mundo. Alam niyo ba kung pang-ilan ang Pilipinas? 117. Hindi po ba kahiya-hiya sa mga Pilipino na ang ating bayan, na kinabibilangan ng sabihin nating 180 countries lang ang pinagkumparahan, number 117. Now, anong nagiging consequence? Foreign Direct Investments, yung FDI, yung mga foreigners, yung mga ibang bansa naghahanap kung saan mag-i-invest, maglalagak ng negosyo kung saan. Alam niyo ba kung pang-ilan ang Pilipinas? Sa limang ASEAN countries, pang-lima po tayo, kulelat. Malaysia, Thailand, Vietnam, Indonesia, pang-lima ang Pilipinas.
Anong implikasyon kapag hindi pumupunta rito yung mga investors na dayuhan? Wala tayong trabaho. Kasi kung dito mag-i-invest, merong job generation. Napakaimportante na ayusin natin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino, ng buhay ninyo. Kasi sa napakahabang panahon… Ito hindi inabot ng marami sa inyo rito pero ito nababasa natin. For the longest time, ano, panahon pa ni Presidente Quirino, 1948 hanggang 1953, merong isyu: gintong orinola nakalagay sa ilalim ng kama ng presidente sa Malacanang – napakalaking isyu na. Alam niyo ba kung magkano yung gintong orinola? P5,000. Nagkagulo halos sa Pilipinas. Bakit daw ang presidente bumili ng gintong orinola. Actually, hindi po ginto yon, gold-plated. Pero over time, lumaki nang lumaki nang lumaki. Naging daang libo, naging milyon, naging daang milyon – ngayon, bilyon na ang pinag-uusapan natin.
Noong kami’y nag-imbestiga ng PhilHealth anomalies, yung dapat napunta sa panggamot para sa mga COVID-19, yung tinatawag na Interim Reimbursement Mechanism na kung saan pag kayo nagka-COVID, i-re-reimburse doon sa ospital na kung saan kayo ginamot. Alam niyo ba kung magkano nawala doon? P14 bilyon, kung saan-saan napunta. So again, babalik tayo… Pag ating pinag-aralan ang lahat ng problema ng bansa, babalik at babalik tayo sa korapsyon. Kaya kami ang pangunahin namin talaga ‘yung labanan ang korapsyon, labanan ang mga kawatan, yung magnanakaw sa gobyerno. Alam niyo pag nakarinig tayo ng isang kawatan o isang magnanakaw hinuli ng pulis dahil nagnakaw ng alahas, nagnakaw ng pera… Yung sa Asingan, Pangasinan nga nagnakaw ng sampung kaing ng mangga. Isang linggong nakulong yung si Lolo Narding. Samantalang ‘yung magnanakaw sa gobyerno, namamayagpag. Siya nakakulong doon sa istasyon ng pulis. ‘Yung magnanakaw sa gobyerno, may police escort na parang nagmamagaling pa.
So dapat matuto po tayo mga mamamayan dito sa Monkayo, sa buong Pilipinas, lalo na rito. Kailangan siguro sa Davao de Oro, pag-aralan nating mabuti kung sino yung magbibigay sa atin ng pagbabago; kung sino yung mag-aayos ng gobyerno sa Davao de Oro. Pag-aralan po natin. Tingnan natin yung mga pinaggagagawa ng mga nakaupo, yung mga dating nakaupo, at pag-aralan natin sino ang pwedeng makapagbigay ng ginhawa sa buhay ng mga mamamayan sa Monkayo at saka sa Davao de Oro.
So again, huwag nating kalimutan, pag sulat natin ng mga pangalan sa balota, mapanasyonal man o mapalokal, mapa-Davao de Oro, Davao del Norte, Monkayo, o kung saan man, isipin nating mabuti ang ating kinabukasan. Huwag na tayo. Isipin na lang natin ang kinabukasan ng mga kabataan sa ating bayan. Kawawa na tayo.
Kapag tayo’y napunta sa isang pagtitipon, anong pinag-uusapan natin? Problema ng bansa. Pag tayo’y nagtipon-tipon sa barberya, sa tindahan, sa pondohan, pinag-uusapan natin lagi problema ng Pilipinas. Yung iba sa atin pag nagkita tayo sa abroad, ang topic pa rin natin problema ng Pilipinas. Hindi ba dapat pabaliktad? Pag tayo’y nagkatipon-tipon, ang pinag-uusapan natin kung gaano kaganda ang buhay sa ating bayan. Nakangiti tayo. Kung nasa abroad man tayo, uuwi tayong nakangiti, masaya kasi pauwi na tayo. Pero pag nasa eroplano, yung mga kababayan natin na nakatikim magbyahe, alam niyo ang usapan sa eroplano pag malapit ng lumapag sa international airport, mapa-Davao, mapa-Manila, alam niyo ang sinasabi? Sa akin may mga bumabating ganoon. ‘Senator, back to reality.’ Hindi ba nakakalungkot – ‘back to reality.’ Ibig sabihin, babalik ka sa napakalungkot na buhay na ang may gawa gobyerno. Pero sino yung may gawa ng gobyerno? Tayo. Isang araw lang tayong hari, isang araw lang tayong tayo ang nasusunod, yon ang araw ng halalan. Hindi lamang May 9 kundi sa mga susunod na taon.
Kaya pag-aralan nating mabuti bago tayo sumulat o bago natin i-shade yung pangalan ng ating iboboto. Tanungin muna natin sarili natin: Pagnanakawan ba ako nito? Bago natin i-shade. So, kami, hindi kami lumalayo, laging sinasabi namin: ‘Ayusin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino.’
Magandang hapon po sa inyong lahat at maraming, maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap.
*****