Ping: Posibleng Spillover ng Krisis sa Russia at Ukraine, Dapat Paghandaan ng Pinas

Kailangang maghanda ang Pilipinas sa posibleng paglaganap ng epekto ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine, ayon kay Senador Ping Lacson nitong Sabado.

Ayon kay Lacson, kailangan panindigan ng ating gobyerno ang pagsuporta nito sa United Nations General Assembly resolution na nagkukundena sa paglusob ng Russia sa Ukraine.

Kasama rito aniya ang pagpapagamit ng ating mga pasilidad sa mga kakamping bansa tulad ng Estados Unidos.

Related: Lacson: PH Must be Ready for Possible Spillover of Russia-Ukraine Crisis

“Nagpirma na tayo sa UNGA resolution na nakikiisa tayo sa ibang bansa sa pagkondena sa invasion ng Russia sa Ukraine. So dapat lamang na sundan natin sa gawa ang ating salita. Kung sakaling kailangan ang facilities ng Pilipinas, mapa-dagat lupa o ere, tama lang yan,” paliwanag ni Lacson sa kanyang panayam sa DZRH.

Nitong nakaraang buwan, nanawagan si Lacson bilang chairman ng Senate Committee on National Defense and Security na maghanda na sa posibleng epekto ng naturang sitwasyon sa Ukraine.

Dagdag pa ng senador, ngayon pa lang ay dama na natin ang epekto nito sa ating ekonomiya lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Bagama’t umaasa si Lacson na huwag naman sanang magresulta ito sa isang nuclear war, mas mabuti aniya na maghanda ang Pilipinas sa lahat ng posibleng mangyari.

“Mabuti rin na naka-ready tayo kesa mabigla tayo,” ani Lacson.

Sinabi rin ng presidential aspirant na nagpapakita ang kasalukuyang sitwasyon sa kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalyadong bansa para masiguro ang ating seguridad mula sa posibleng banta sa labas ng ating teritoryo.

“Sa akin lagi tayong consistent dito na mainam na meron tayong kaalyado pagdating sa ating security, external threat sa atin,” saad ni Lacson.

*****