Ping, Tutol sa Paghahakot ng Tao sa Rally

Ang malalaking rally na inoorganisa ng ibang kandidato ay hindi nangangahulugan ng solid na pagsuporta, ayon kay Senador Ping Lacson. Bagkus, ito aniya ay maaaring kagagawan lamang ng organizers na naatasan na mag-hakot ng mga dadalo sa kanilang rally.

Ibinahagi ito ni Lacson nitong Miyerkules matapos niyang malaman mula sa isa sa kanyang local support leaders sa Rizal na nilapitan ng isang “hakot” operator.

“Baka gusto ni Sen. Lacson at Sen. Sotto na magkaroon ng maraming tao sa rally, meron kaming mga tao at P500 per person,” pagbabahagi ni Lacson base sa kwento sa kanya ng kanyang organizer sa isang presscon matapos ang kanyang courtesy call kay Zamboanga City Mayor Isabelle “Beng” Climaco-Salazar.

Related: Lacson Thumbs Down ‘Hakot’ in Rallies

Ito rin marahil ang nangyayari sa mga rally ng ibang kandidato kung saan pare-parehong grupo ng tao lamang ang dumadalo na hakot ng mga naturang organizers.

Base sa impormasyon na nakalap ni Lacson, sinabi ng isa sa kanyang supporter na may kumausap sa kanya na isang organizer na nagsabi na kailangan niyang magbayad ng P500 sa kada indibidwal na mahahakot nila sa rally.

Ngunit sinabihan ng supporter ni Lacson ang organizer na hindi sila interesado rito dahil mas nakatuon sina Lacson at ang ka-tandem nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pakikipag-dayalogo at pag-oorganisa ng town hall meetings.

“That’s the reality on the ground and most candidates know that. We cannot blame the people because coming from the pandemic ang hirap ng buhay,” ani Lacson patungkol sa kultura ng pulitika sa Pilipinas.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Lacson: “As long as ‘money politics’ dominates our elections, it will be a vicious ‘cycle of revenge’ between candidates and voters: voters having a field day during the campaign period and candidates exacting vengeance for three or six years of victory. Kawawang Pilipinas.”

Samantala, binigyang diin naman muli ni Lacson na ipagpapatuloy nila ni Sotto ang pag-oorganisa ng town hall meetings at dayalogo para malaman ang mga isyu na dapat tugunan mula mismo sa mga tao.

“Whatever happens, ang aming consolation sa buhay namin we contributed something to correcting the culture of politics sa ating bansa… issue-based, hindi politics of entertainment or politics of hakot,” saad ni Lacson.

*****