Ping Lacson’s Speech at Alyansa Rally in Dumaguete City

Maayong hapon, Dumaguete City! Maayong hapon, Negros Oriental!

Bagaman kami ay 11 lamang dito, kaming 12 kandidato sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay personal na pinili ng ating PBBM base sa aming mga karanasan, kwalipikasyon at kakayahan para maglingkod bilang senador ng Republika ng Pilipinas.

Ako po ay nagtapos sa PMA at naging opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, hanggang sa umabot sa rango ng Director General o hepe ng PNP. Sa akin pong law enforcement career, napakarami at hindi ko na mabilang ang mga buhay na aking nailigtas sa kamay ng mga kidnapper at iba’t ibang mga masasamang loob. Ang isa sa aking nailigtas ay kababayan ninyo mismo dito sa Dumaguete City, si Emmanuel. Noong Agosto 1989 sa Cebu City, habang ako ay naglilingkod bilang chief ng Cebu Metrodiscom. Siya ay 9 taong gulang pa lamang noon.

Sa ilang saglit na pakikipagbarilan sa mga kidnapper na ikinamatay ng mga kumidnap kay Emmanuel, akin pong ihinatid si Emman sa kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa Guadalupe, Cebu. At sa aming pagpupulong, maluha-luha at sila ay nag-alok ng gantimpala, reward money, dahil hindi sila nagbayad ng ransom at naibalik ang kanilang anak na si Emman. Sila po ay sina Mr. and Mrs. Edward at Elsie Lee. Ang sagot ko po sa kanila, ‘Ma’am, we only did our duty. Sapat nang gantimpala ang pagtitiwala ng ating mga mamamayan sa kanilang mga lingkod bayan, sa kanilang kapulisan.’

Noong ako po ay tumakbo bilang senador, ako po ay ginantimpalaan ng isang upuan, isang seat sa Senate, at ako ay nahalal bilang senador ng Republika ng Pilipinas at ipinagpatuloy ko po ang aking pakikibaka sa mga katiwalian sa ating pamahalaan, lalo na sa pag-scrutinize ng ating national budget, ang pagbabantay sa ating kaban ng bayan upang masigurado na ang ating pananalapi ay makarating sa malalayo at maliliit na lugar tulad ng Negros Oriental.

At kung ako po ay inyong pagkakatiwalaan muli, hinding hindi ko po sasayangin ang inyong boto. Ipagpapatuloy ko ang aking ginagawang tungkulin bilang senador, makibaka sa katiwalian, at busisiin nang maayos ang ating national budget nang sa ganoon ay makatulong sa ating mga kababayan.

Yan po ang aking masasabi. Ako po si Senador General Ping Lacson, No. 33 sa balota. Magandang magandang hapon. Daghang salamat sa ating lahat!

*****

Discover more from PING LACSON

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading