Ping Lacson’s Speech at Alyansa Rally in Cavite

Unang una sa lahat ay kukumustahin ko ang aking mga kababayan dito sa ating minamahal na lalawigan ng Cavite, sampu ng ating mga lokal na opisyal na kapiling natin ngayong hapon. Sana sa pag-uwi natin mamaya pagkatapos ng pagpupulong na ito ay ilayo tayo sa anumang kapahamakan at mananatiling malusog ang ating pangangatawan at ligtas sa anumang karamdaman.

Pangalawa sa lahat, gusto kong pasalamatan kayong lahat sa ating lalawigan dahil sa napakahabang panahon ng inyong pagtangkilik at pagsuporta sa aking serbisyo publiko, mula noong taon 2001 nang una akong pumalaot sa larangan ng pulitika, nandiyan kayo, sumuporta tumangkilik sa akin.

Taong 2004 noong ako ay sumabak sa pangpanguluhan bagama’t ang aking kinakalaban ang makapangyarihang incumbent na pangulo ng Pilipinas, GMA, at isang napaka popular na aktor na FPJ, binigyan nyo pa rin sa akin noon ang pinakamataas na boto dito sa lalawigan ng Cavite.

At taong 2007, ako ay tumakbong reelection sa Senado, binigyan nyo ako muli ang pinakamataas na boto dito sa lalawigan ng Cavite.

Taong 2016, ganoon din po – ako po nakakuha ng pinakamataas na boto sa ating lalawigan ng Cavite. Bagama’t noong 2022 ay hindi naging kapantay ng inyong pagsuporta at pagtangkilik sa akin ay ni katiting na hinampo, wala akong naramdaman at wala akong nararamdaman dahil batid ko at naunawaan ko na sa inyong kaisipan at pananaw, may mas nararapat na manungkulan sa posisyon. Ngayon po ay lubos kong ginagalang at ako ay mananatili na isang tunay na Kabitenyo sa isip, sa salita at sa gawa.

At maaasahan po ninyo, kung inyo po muling ipagbibigay sa akin ang inyong tiwala at ng inyong pagtangkilik, maasahan po ninyo hinding hindi ko kayo ipapahiya at ipagpapatuloy ko ang isang malinis na paglilingkod sa ating bansa, sa ating lalawigan. At ako ay maasahan ninyong magiging Pilipino muna at mananatili ang aking pagka-Kabitenyo saan man tayo magkita, saan mang sulok ng Pilipinas o lugar sa mundo, at tayo ay magkakilala kapwang Kabitenyo, maasahan ninyo sa ating kultura bilang Kabitenyo at bilang Pilipino, tayo ay nakikipagtulungan sa isa’t isa kalabitin nyo ako at inyong maaasahan ang aking tulong.

Maraming maraming salamat po sa inyong pagdalo ngayong hapon at mabuhay ang lalawigan ng Cavite. Mabuhay po tayong lahat!

*****

Discover more from PING LACSON

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading