Magandang, magandang gabi po sa ating lahat. Una sa lahat ay nais kong bumati at papurihan o i-congratulate ang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gov. Fernando at sampu ng ating mga kababayan sa lalawigan ng Bulacan dahil sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan ng Bulacan.
Katunayan, noong taong 2023, ang paglago ng inyong ekonomiya ay pumalo sa P631.6B. Alam nyo po ba ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin, kayo ay nakapag-contribute sa national government sa ating national coffers, sa kaban ng bayan. Dahil sa VAT lang na 12%, ang nai-contribute ng Bulacan nasa mga P75B sa isang taon, at least noong 2023.
Ngayon, ang isa sa unang unang mga panukalang batas na aking ifa-file kung sakaling ako ay pagkakatiwalaan ninyo muling bumalik sa Senado ay na-take up ko na ito kay SOF Recto kasi concern niya ito. Sabi ko huwag mo nang io-oppose ito Sec. Ralph, dahil ito ay laging naging adbokasiya ko mula pa noon na ma-empower natin, bigyan ng mas maraming kapangyarihan ang LGUs dahil kayo ang backbone ng ating ekonomiya.
Ang aking panukala, kung pwedeng 1% lang ng 12% na ikino-contribute sa national government maibalik o mai-rebate sa LGU. So sa Bulacan, kung kayo naka-remit ng P75B, ibig sabihin taon-taon dapat babalik sa inyo P750M nang sa ganoon ma-incentivize o ma-motivate pa ang mga LGUs tulad ng Bulacan na palaguin pa lalo ang ekonomiya para kung sakaling umabot ng P1T ang inyong economic growth, aba medyo malaki-laki ang inyong makuhang share na galing sa VAT kung kayo bibigyan ng 1%. Open po si Sec. Ralph dito kaya sana maipanalangin natin na sana makapasa ang batas sa tulong ng aking mga kasamahan na mabalik ang 1% sa mga lalawigan at mga bayan-bayan nang sa ganoon lalo pang lumago ang inyong ekonomiya.
Lalo na ngayon ang international airport di ba mabubuksan sa 2027-2028, aba isipin ninyo kung anong maitutulong sa ekonomiya ng Bulacan kapag nabuksan na ang airport.
Isa lamang po yan sa aking gagawing panukalang batas. Ang mga naipasang kong batas, una para sa magsasaka, ang Free Irrigation Act. Ako ang nag-akda ng panukalang batas na iyon na ngayo’y batas na. Ang Student Fare Discount Act para sa mag-aaral. At sa paglaban sa corruption ako ang nagpasa ng Anti-Red Tape Act, ang Anti-Money Laundering Act, at National ID system. Marami pa po ito, mga higit 70 batas ang aking naipasa sa loob ng 18 taon na ako ay naging senador ng Republika ng Pilipinas.
Ako rin po ang tinagurian na bantay sa kaban ng bayan. Doon ko nakita ang kakulangan ng suporta ng national government sa mga LGUs. Kasi pag nakikita ko, ang output ninyo sa local development plans, ang ina-adopt sa ating GAA o national budget, nasa 20-25% lang. At ang inyong naging share sa national tax administration, sa IRA dati, aba e ang nasa batas dapat 40% lalo na ngayon dahil may Mandanas Ruling na-expand na. Pero sa average umaabot lang ng 32% ang napupunta sa inyo. Ito ang ating titingnang mabuti sa susunod at mga susunod pang deliberation ng national budget para nang sa ganoon mapunta sa inyo ang dapat mapunta sa inyo. Yan ang kahulugan ng paglago ng ekonomiya ng lalawigan ng Bulacan.
Kaming pong lahat na nandito, 5 araw na lamang, tayo ay boboto na lahat. Unang una, kwalipikado po lahat kami dito. Lahat kami nakapaglingkod na bilang mambabatas sa HOR o Senado. Dalawa sa aming kasamahan dito sila ay overqualified. Pareho silang abogado, parehong naging kongresista, naging mayor. Si Atty. Benhur Abalos, dating DILG, at dating MMDA at ngayon majority leader ng Senado, Atty. Francis Tol Tolentino.
Ngayon pagpunta natin sa pagboto natin, 4 po ang ating pagpipilian, 4 na uring kandidato. Mahigit kaming 60 pero 4 po ang inyong pagpilian. Una ito ang masipag, magtatrabaho at hindi magnanakaw. Ang pangalawa po, ito ang masipag din magtatrabaho bilang senador, pero magnanakaw naman. Pangatlo, ito naman po ang tamad, hindi magtatrabaho pero hindi rin naman magnanakaw. Pang-apat po, ito po ang tamad na, ayaw magtrabaho, nagnanakaw pa. Bahala na kayong mamili. Nasa inyong mga kamay ang kinabukasan ng ating bansa, kinabukasan ng ating mga anak, at mga susunod na henerasyon.
Maraming maraming salamat po sa ating lahat, Mabuhay po ang lalawigan ng Bulacan! Mabuhay tayong lahat!
*****

