Lacson Bill: Kuwarta ng drug personalities bawal na sa mga bangko

Hindi na puwedeng itago ng mga personalidad na sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa bangko ang mga perang kanilang nakulimbat sa pagbebenta ng mga ito, oras na maipatupad ang pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act na isinusulong ni Senador Panfilo Lacson.

Sa Senate Bill 1025 na pinamagatang “An Act Authorizing the Examination of Bank Deposits, Accounts and Records of Pushers, Manufacturers, Cultivators, Importers and Financiers of Dangerous Drugs, Amending for the Purpose Republic Act No. 9165 and for Other Purposes,” na iniakda ng senador, dapat nang baklasin sa mga napoprotektahan ng nabanggit na batas ang mga bank accounts ng mga gumagawa, nag-aangkat, nagpapakalat at nagpopondo sa mga ilegal na droga.

Sa kasalukuyang sistema kasi, hirap na hirap umano ang mga awtoridad na tuntunin ang mga nakatagong pera ng mga sangkot sa ilegal na droga dahil napapabilang pa ang mga ito sa pinoprotektahan ng mga batas na umiiral. 

[Basahin: Senate Bill 1025, Judicial Authorization to Examine Bank Deposits, Accounts and Records of Drug Suspects]

View Fullscreen

Ayon pa kay Lacson, hindi umano magiging ganap ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga kung ang mga salapi ng mga ito ay hindi madidiskubri at mapupunta sa kustodiya ng mga awtoridad.

“The bill allows the examination of bank accounts, deposits and records of pushers, manufacturers, cultivators, importers and financiers of dangerous drugs, in keeping with the Philippines’ obligation under the United Nations Convention Against Illicit Traffic in Narcotic Drugs and Psychotropic Substance (Vienna Convention),” dagdag pa ni Lacson.

Binibigyang kapangyarihan din nito ang mga korte at mga awtoridad na atasan ang mga bangko at iba pang mga institusyong pampinansiyal na isumite sa kanila ang mga bank records ng mga sangkot sa droga.

Magkakaroon ng kapangyarihan ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police and National Bureau of Investigation na kumuha ng order buhat sa mga korte para magsiyasat ng mga bank accounts ng mga sangkot sa droga.

*****