Ping: Publiko, Obligasyon na Bantayan ang P9-T Proyektong Imprastraktura

Related: Lacson: Guard vs possible graft in implementation of P9-T infra program

Dapat na maging aktibo ang publiko sa pagbabantay sa implementasyon ng P9 trilyong proyektong imprastraktura ng kasalukuyang pamahalaan upang masigurado na walang bahaging mapupunta sa kung kani-kaninong bulsa lamang.

Ito ang naging tugon ni Senador Panfilo Lacson nang matanong tungkol sa naturang usapin nang magsalita bilang panauhing pandangal sa pagpupulong ng mga opisyal at miyembro ng Rotary Club of Makati Central.

“We should be watchful on the implementation of these projects. Losing just 20 percent of the P9 trillion to irregularities means a whopping P1.8 trillion lost to corruption,” pagbubunyag ni Lacson.

Ayon pa kay Lacson na una nang nagsiwalat ng kaliwa’t kanang nakawan sa pondo ng pamahalaan, obligasyon ng publiko na bantayan ang mga proyekto ng pamahalan dahil sa kanila nagmumula ang salaping ginagastos sa mga ito.

Dagdag pa niya na maaaring humigit sa P1.8 trilyon ang mawawalang pondo dahil ayon sa ilang contractor, maliit na ang 20 porsyento na hihingin ng ilang tiwaling opisyal.

Ang nabanggit na halaga ng proyektong imprastraktura ay nakapaloob sa “Build, Build, Build” program ng kasalukuyang administrasyon.

Bilang bahagi ng tungkulin sa publiko, tiniyak naman ni Lacson na magiging aktibo siya sa pagtalakay ng mga mambabatas sa 2018 National Budget.

Nitong nakaraang taon, nabungkal ng senador ang iba’t ibang anyo ng pork barrel na nakasuksok sa mga ahensiya ng ehekutibo.

“The budget call has already been terminated. And soon after the President delivers his second State of the Nation Address on July 24 when Congress resumes session … within 30 days he will have to submit the so-called President’s Budget. And I have been always active in participating in plenary debates, even in committee hearings,” dugtong pa ni Lacson.

*****