Hindi man matuloy ang Charter Change, siguradong makakamit pa rin ang mithiin na isinusulong ng Duterte administration sa ilalim ng pederalismo, sa pamamagitan ng panukala ni Senador Panfilo Lacson.
Nakapaloob na kasi sa Senate Bill 40 na tinaguriang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) at isinulong ni Lacson kasabay ng pagbukas ng kasalukuyang Kongreso ang halos lahat ng mithiin ng pederalismo.
🔈Pakinggan ang paliwanag ni Sen. Lacson sa BRAVE
Pangunahing nilalaman ng BRAVE bill ni Lacson ang direktang pagbibigay ng pondo sa mga lokal na pamahalaan upang mapondohan ng mga ito ang mga proyektong kailangan nila base sa personal na obserbasyon sa mga nasasakupan.
Related: Lacson: BRAVE to meet federalism goals without need to amend the Constitution
“Parang federalism yan dahil ibababa ang karamihan ng pondo o malaking bahagi ng pondo ng national government, ilalatag papunta sa kanayunan sa probinsya nang sa ganoon matuto sila mag-develop on their own,” paliwanag ni Lacson.
Isiniwalat pa ng mambabatas na nagkaroon siya ng pagkakataon na maipaliwanag kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. ang naturang panukala at naging positibo din umano ang tugon ng kalihim.
“Ang sabi niya nang natapos ang presentation, ang comment niya lang, pag ito nakita ang presentation na ito ni presidente, makakalimutan niya ang federalism kasi ito ang kanyang layunin,” pagsiwalat pa ni Lacson sa naging impresyon ni Evasco sa kanyang presentation.
Sa kasalukuyang sistema ng pamamahagi ng badyet ng pambansang pamahalaan sa mga LGU, kalimitang nagpapagod ang mga pinuno ng mga malalayong lalawigan, lunsod at bayan sa pagpunta ng personal s iba’t ibang tanggapan o mga mambabatas sa hangaring maambunan ng pondo para sa mga proyekto.
Nasa lebel pa lang sa Senado ang nabanggit na panukala kung kaya’t balak ni Lacson na ito ay isulong bilang isang alternatibong panukala sa Cha-Cha na ngayon ay umaani ng negatibong puna buhat sa iba’t ibang sektor.
*****