Hahalungkatin ni Senador Panfilo Lacson ang misteryosong di-pagkakabigay sa mga tauhan ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ng P59.8 milyon na karagdagang subsistence allowance ng mga ito.
Sa pamamagitan ng Senate Resolution 712 na inihain ni Lacson, inatasan nito ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kanyang pinamumunuan na imbestigahan ang nabanggit na anomalya.
Related: Lacson Pushes Probe Into P59.8-M PNP-SAF Allowance Row
Ayon sa mambabatas, kung totoong hindi nga naibigay sa mga tauhan ng SAF ang nabanggit na halaga, isa itong malaking dagok sa buwis-buhay na pagsiserbisyo nila sa bayan.
“We cannot allow, yet again, another injustice to be committed against our heroes in uniform who are in the forefront of our fight against the ills of terrorism and criminality, lest we risk demoralization within their ranks. Thus the need to probe into the said allegations,” dismayadong pahayag ni Lacson.
Sa ilalim kasi ng mga umiiral na alituntunin, bawa’t isa sa 4,000 na tauhan ng SAF ay makakatanggap ng karagdagang P30 daily subsistence allowance na kung susumahin ay papatak sa P900 kada buwan.
Pero batay sa mga lumalabas na record, hanggang Hulyo lamang ng taong 2017 nakatanggap ng naturang benipisyo ang mga tauhan ng SAF sa hindi malamang kadahilanan.
May mga tauhan pa ng SAF na personal na lumapit sa tanggapan ng mambabatas upang magpatulong para maliwanagan kung bakit tila naagrabyado sila sa naturang benipisyo.
Una na ring umamin ang pamunuan ng SAF na ginamit umano niya ang pondo sa ibang bagay na pinagkagastusan ng nabanggit na grupo.
Bukod sa imbestigasyon, layon din ni Lacson na gumawa ng mga panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga pondong nakalaan bilang benipisyo sa mga tauhan ng SAF, bukod pa sa parusang ipapataw sa opisyales na lalabag sa mga ito.
*****