Ping: Mga Gahaman sa Pork Barrel, Kayang Purgahin ng Presidente

veto

Puwedeng maawat ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng veto power ang pagkalulong at pagkagahaman ng karamihan sa mga kongresista at ilang senador sa pork barrel.

Ito ang nakikitang solusyon ni Senador Panfilo Lacson upang malinis at matanggal sa loob ng 2019 national budget ang pork barrel na pilit na isinisingit ng marami sa kanyang kasamahan sa lehislatura na tila walang kabusugan.

Ayon kay Lacson, higit pa sa sapat ang veto power ng Pangulo upang matanggal ang mga personal amendments sa pambansang badyet na bunga ng pagsisingit, hindi lamang ng mga kongresista kunding maging ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa Senado.

“Mr. President, you have displayed your strong political will on several occasions. This time, use your line-item veto power over the 2019 appropriations measure by removing all the ‘pork’ inserted by lawmakers who are incorrigibly insatiable and simply ‘beyond redemption,’” banggit ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Related: Lacson: Vetoing ‘Pork’ in 2019 Budget to Affirm President’s Strong Political Will

Sa ilalim ng 1987 Constitution, puwedeng i-veto o ipawalambisa ng Pangulo ang isang partikular na bahagi ng pambansang badyet na hindi naaayos sa proseso ang pagkalaan.

Batay sa naging talakayan ng mga kinatawan ng Senado at Kamara sa bicameral conference ng pambansang badyet, wala sa hulog ang individual amendments sa naturang gastusin dahil maraming alituntunin ang nilagpasan nito.

Kabilang sa mga pork barrel na sumingaw mula sa pilit na inihahabol na pambansang gastusin ngayong taon ay ang P160 milyon bawa’t kongresista.

Kasama rito ang P70 milyon para sa “hard” project tulad ng kalsada at flood control at P30 milyon para sa “soft” project tulad ng textbook at scholarship. Nadagdagan pa rito ng P60 milyon bawa’t isa – P50 milyon para sa “hard” project at P10 milyon para sa “soft” project – batay sa kapasyahan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa panig naman ng mga senador, nasiwalat din na umabot sa P23 bilyon ang mga individual amendments na ipinasok ng mga kasamahan ni Lacson.

Matapos ang pagkakabunyag sa mga nabanggit na halaga, nagtangka pa ang ilang mga kaalyado ni Arroyo na iligaw ang tunay na pangyayari sa loob ng pambansang badyet pero napahiya lamang ang mga ito.

“The national budget belongs to the people because it comes from taxpayers’ money. It is bad enough if the money is not used properly; it is much worse if the money is abused by those in government in the form of pork,” paalala ni Lacson.

Ang walang kapararakang pag abuso ng mga opisyal ng pamahalaan sa badyet ang isa sa mga dahilan ng patuloy na paglaki ng utang ng mga Pinoy na ngayon ay umaabot na sa P71,000 bawat isa.

“The national budget is the lifeblood of our country. If we allow pork to ruin the budget, we taxpayers will suffer,” pahabol ni Lacson.

*****