Nililito ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang publiko gamit ang paiba-ibang palusot ng mga kaalyado nito upang maitago ang ginawang pagkalikot sa P3.757-trilyon 2019 budget kahit matapos na ito ratipikahan, pero lalo lamang silang nabubuking.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, kahit pa gumamit ng sangkaterbang “talking heads,” hindi maitatago ng liderato ng Kamara ang ginawang pagkalikot sa mga pondong nakapaloob sa pambansang badyet.
Binanggit pa ni Lacson na hindi uubra ang palusot na isa lamang umanong “itemization” ang ginawa ng mga kaalyado ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa budget dahil maliwanag na maliwanag na realignment ng pondo ang ginawa ng mga kaalyado ni Arroyo.
“National budget: Don’t be fooled by congressmen tasked to make us believe they merely ‘itemized’ when in fact, they arbitrarily realigned to favored districts several appropriations already approved by both houses of Congress thereby sacrificing already vetted infra projects,” pagsisiwala ni Lacson sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
Wala na umanong tutugma na matinong deskripsiyon sa ginawang pakikialam sa 2019 budget ng mga kaalyado ni Arroyo.
“Trying to hide their unconstitutional post-ratification budget realignments by claiming they wanted to itemize lump sums in the name of transparency: If that’s not irony – or hypocrisy, I don’t know what is,” dagdag pa ng mambabatas.
Ginawa ng mga kongresistang kaalyado ni Gng. Arroyo ang pagkalikot sa 2019 budget sa kabila ng katotohanang dumaan na ito sa ikatlo at huling pagbasa at pagratipika ng Senado at Kamara.
Iginigiit umano ng mga kumalikot sa badyet na ang ginawa nila ay naaayon sa napagkasunduan sa bicameral panel pero kung aaralin ay taliwas sa kanilang sinasabi.
Sa ginawang pagsusuri ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), nalantad na umabot sa P95.1 bilyon ang nadagdag sa realignment ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kabilang dito ang pagtapyas ng P72.319 bilyon mula sa Department of Public Works and Highways’ Major Final Output (MFO) 1 and 2.
Maliban dito, inilipat din umano at ni-realign ng Kamara ang P79.7 bilyon mula sa ilang congressional districts patungo sa ibang distrito at nag-park pa ng P70 bilyon sa DPWH central office, kung saan ang halagang ito ay tinanggal mula sa 87 District Engineering Offices (DEOs).
“Parking the P70 billion in the DPWH’s central office was meant to make it difficult for people – including myself – to trace where it will go. You could call it a veiled effort to conceal large ‘pork insertions’ of some congressmen,” paliwanag ni Lacson.
Una nang ipinaliwanag ng mambabatas na ang pagkalikot ng mga kaalyado ni Arroyo sa bicameral-approved budget ay labag sa Saligang Batas na kung saan malinaw na nakasaad sa Art. VI, Sec. 2, Paragraph 2: “Upon the last reading of a bill, no amendment thereto shall be allowed.”
Bukod sa DPWH, nadale rin ng pagbutingting ng mga kaalyado ni Arroyo ang badyet ng Department of Health (DOH) partikular na ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) funds.
Sa naturang paggalaw, ang mga bumoto sa Speakership ni Arroyo ay mabibigyan ng P25 milyong bawa’t isa samantalang ang iba ay P8 milyon lamang bawa’t isa, batay na rin sa impormasyon ni Lacson mula mismo sa mga kongresista na nakapuna sa pangyayari.
Kung hindi maitutuwid, tatamaan din ng mga ginawa ng kaalyado ni Arroyo ang “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte dahil nakapaloob ito sa MFO 1 and 2 na nakalikot din matapos ang pagratipika sa badyet.
Samantala, inilathala ni Lacson sa kanyang website ang paglilinaw sa ilang mga kasinungalingan ng ilang “talking heads.” Maaari itong ma-access sa #UsaPing Katotohanan section, sa English at Tagalog.
*****