Para sa lahat ng mga mambabatas na ganid at walang kabusugan sa paghamig ng pork barrel sa ginalaw pa na niratipikahan nang 2019 national budget ang vendetta ni Senador Panfilo Lacson.
Ito ang nilinaw ng senador bilang tugon sa tila sirang plaka na akusasyon ng mga kongresistang kaalyado ni House Speaker at nakulong sa katiwalian na dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Lacson ay ilang beses na inakusahan ng mga talking heads ni Arroyo na umano’y vendetta o paghihiganti sa lider ng Kamara ang tunay na mithiin ng mambabatas sa pagkuwestiyon sa ginalaw na niratipikahang 2019 national budget.
“Sa mga konggresista na paulit-ulit sa pagsasabi na ‘vendetta’ ang aking motibo sa pag atake sa pork barrel nila sa 2019 pambansang badyet – tama po kayo, sukdulang galit na vendetta ko nga ‘yan sa mga katulad ninyong ganid at walang kabusugan sa pera ng mamamayang Pilipino,” tuwirang pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter account.
Related: Lacson: My ‘Vendetta’ is Against the Insatiably Greedy Politicians
Inulit ni Lacson na isa sa kanyang mga pangunahing krusada bilang miyembro ng lehislatura ay ang bantayan ang pambansang badyet sa pang-aabuso, kabilang na ang paglusaw sa mga pork barrel at di-tukoy na alokasyon kaya hindi niya titigilan ang paglantad sa ginagawang pagmamaniubra sa pondong ito.
Idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang pork barrel noon pang 2013, kaya lahat ng uri ng mga galaw sa lehislatura, kabilang na ang lump sum appropriations para makahamig nito, ay malinaw na labag sa batas.
Bagama’t naaprubahan at niratipikahan na ang pambansang badyet noon pang Pebrero 8, ginalaw pa ito ng liderato ng Kamara, at nagdagdag-bawas sa mga alokasyon sa mga kongresista.
Base sa datus ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO), tumaas ng P95.1 bilyon ang realignments ng Kamara sa 2019 national budget matapos na ito ay kalikutin mula nang maaprubahan ng Senado at Kamara.
Kabilang sa mga datus na ito ang P72.319 bilyon na binaklas sa Department of Public Works and Highways Major Final Output (MFO) 1 and 2.
Dagdag pa umano rito ang P79.7 bilyon na inalis sa mga congressional districts na una nang napaglaanan at inilipat sa ibang distrito at nagparada pa ng P70 bilyon sa central office ng DPWH matapos na tanggalin sa 87 District Engineering Offices (DEOs) ng ahensiya.
“Parking the P70 billion in the DPWH’s central office was meant to make it difficult for people – including myself – to trace where it will go. You could call it a veiled effort to conceal large ‘pork insertions’ of some congressmen,” paliwanag pa ni Lacson sa nabanggit na pagkalikot sa badyet.
Una na ring idiniin ni Lacson na ang pagkalikot pa ng Kamara sa niratpikahan nang 2019 budget ay malinaw na paglabag sa Saligang Batas partikular sa Art. VI, Sec. 2, Paragraph 2: “Upon the last reading of a bill, no amendment thereto shall be allowed.”
Kabilang din sa mga nagalaw ay ang pondo ng Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health (DOH), kung saan ang mga malalapit kay Arroyo ay nabigyan ng P25 milyon bawa’t isa at ang mga hindi bumoto sa kanya sa Speakership ay halos limusan lamang ng P8 milyon bawa’t isa, batay na rin sa sumbong ng ilang kongresista na nakapuna sa magkaibang halaga, ayon kay Lacson.
*****