Bikoy, Pagsasalitain na ng Senado

bikoy2
Image courtesy: DZRH News

Posibleng imbitahan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso anumang araw ngayong linggo ang lumutang na “Bikoy” upang isalang ito sa imbestigasyon, kung makakapagpakita ito ng dalawang katibayan.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na siyang mangunguna sa imbestigasyon, kailangan lamang ni “Bikoy” na magdala ng sinumpaang salaysay at karagdagang mabibigat na dokumento kaugnay sa kanyang mga naunang paratang.

Kasama sa layunin ng magiging imbestigasyon ni Lacson na bumuo ng batas na magpapataw ng mas mabibigat na parusa sa pagsisinungaling, partikular na sa mga pagdinig na ginagawa ng lehislatura.

“I filed Senate Bill 253 to protect innocent people from being wrongly jailed or having their reputations suffer because of lying witnesses,” pagbabalik-tanaw ni Lacson na kung ilang beses na ring nabiktima ng mga imbentong akusasyon.

Related: Lacson Sets Condition for ‘Early’ Senate Hearing on ‘Bikoy’ Claims

Ang naturang panukalang batas ay nasa hapag na ngayon ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Base sa personal na obserbasyon ni Lacson, masyado na umanong nabahiran ng pulitika at naidikit na ng todo sa eleksiyon ang paglutang ni Bikoy.

“Like it or not, Bikoy has become a political, if not an election issue. The Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs can schedule a hearing this week on one condition: Bikoy must personally present a sworn statement and his evidence to support his accusations,” paliwanag ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Ayon pa sa mambabatas, mas magandang mas maaga ay idaos na umano ang pagdinig upang agad na matantiya ng publiko kung may basehan ang mga paratang nito lalo na sa mga sinabi sa kumalat na video.

“In fairness to those ‘Bikoy’ linked to the drug trade, the hearing will allow the public to observe his demeanor and determine if his claims are true. And if his claims have basis, it will allow voters to reject those involved,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon pa kay Lacson, wala na umanong ibang makakapagpatunay ng akusasyon ni Bikoy, sa mga kumalat na video, kundi tanging siya lamang, lalo na ang pagdawit sa mga miyembro ng First Family sa ilegal na droga.

Si Bikoy na nakilalang si Peter Joemel Advincula sa tunay na buhay ay lumutang sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at doon binasa ang kanyang pahayag.

*****