Ping: Pinaigting na Presensiya ng mga Pulis, Tulong sa mga Pinoy Abroad vs Hate Crimes

Image: CTTO

Mapipigilan ang hate crimes na bumiktima sa mga Pinoy sa abroad sa pamamagitan ng mas pinaigting na presensiya ng mga pulis sa mga lugar ng mga ito.

Ito ang nakikitang solusyon at pagsuporta na rin ni Senador Panfilo Lacson, dating Philippine National Police (PNP) Chief, sa panawagan ng opisyal ng pamahalaan sa ibayong dagat upang maawat ang patuloy na pagdami ng mga Pinoy na dinadahas doon.

Una nang hiniling ni Consul General to New York Elmer Cato ang mas pinaigting na presensiya ng pulisya sa mga lugar sa Estados Unidos bunga ng umiinit na anti-Asian hate, kung saan pinakahuling insidente ang naganap sa isang Pinay na consular officer sa New York.

Ayon kay Lacson, malaki ang maitutulong ng presensiya ng mga awtoridad para sa proteksiyon ng mga Pinoy hindi lamang sa US kundi sa iba pang panig ng mundo na kinaroroonan ng mga ito.

Related: Lacson: Greater Police Presence Needed vs Hate Incidents vs Filipinos Abroad

“Based on accounts initially cited by Consul General to New York Elmer Cato, there have been at least 14 hate incidents involving members of the Filipino community so far this year, counting the latest incident. This is disturbing and has to stop,” ani Lacson.

“Hate crimes and racism have no place anywhere. As Consul General Cato pointed out, the Filipino community can be part of the solution by reporting such incidents to the authorities for prompt action. This solution should be adopted by all Filipino communities abroad, not just in the US,” diin ni Lacson.

Si Lacson ang kasalukuyang chairman ng Committee on Foreign Relations ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) na kumaliskis sa kakayahan ng mga matataas na opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa kapanahunan ng mambabatas bilang PNP Chief noong 1999-2001, bumaba ang antas ng iba’t ibang uri ng kriminalidad sa Kamaynilaan matapos niyang ipatupad ang mas pinaigting na foot patrol ng mga pulis.

Sa bilang ni Cato, nasa 14 na insidente ng anti-Asian hate na kinabibilangan ng mga biktimang Pinoy ang naganap sa Estados Unidos sa loob ng kasalukuyang taon na ayon kay Lacson ay hindi na dapat na madagdagan pa.

Pinakahuli rito ay ang pagmumurang inabot ng isang Pinay na kasapi ng Consulate General sa New York habang sakay ng B train papasok sa kanyang opisina na ayon kay Cato ay nareport na rin sa pulisya.

“The unlucky Filipina diplomat must have encountered a reincarnated barbaric tyrant in that train,” banggit ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Binanggit din ni Cato na bago ang naturang pangyayari, isang kasapi ng Pinoy community sa New York ang nauna nang nakaranas ng pang-aabuso at pananakit sa subway sa nabanggit ding lungsod, at isa pang Pinoy ang nilaslas ang mukha kamakailan.

“Consul General Cato must urge the New York police to leave no stone unturned to identify and charge the person or persons responsible. There must be closed-circuit television (CCTV) footage available somewhere,” ayon pa kay Lacson.

*****

One thought on “Ping: Pinaigting na Presensiya ng mga Pulis, Tulong sa mga Pinoy Abroad vs Hate Crimes”

Comments are closed.