Ping Lacson’s Speech at Alyansa Rally in Pasay City

Magandang hapon sa ating lahat.

Sa loob ng napakahabang panahon, ang bawa’t mamamayang Pilipino ay may mga munti at matataas na pangarap para sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, at sa kanyang Inang Bayan:

Pangarap na magkaroon ng matatag na trabaho para maging maayos ang kanyang buhay;

Pangarap na palaging may pagkain sa hapag kainan;

Pangarap na maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga anak para sa kanilang magandang kinabukasan;

Pangarap na sana ay maging laging malusog ang pangangatawan para maiwasang magkasakit;

Pangarap na maging ligtas sa krimen at anumang kapahamakan sa araw-araw na pakikibaka sa buhay;

At higit sa lahat, pangarap na habang siya ay nabubuhay, masaksihan at maramdaman na mayroong isang Pilipinas na maaari niyang ipagmalaki sa buong mundo – ginagalang ang bawa’t Pilipino kahit saan mang lugar makarating.

Subalit, paanong mapapatupad at mangyayari ang mga munti at malaking pangarap ng bawat Pilipino kung ang namumuno na kanilang iniluluklok sa kapangyarihan tuwing halalan ay mapagimbot at sakim para sa sariling kapakanan – mga mapagsamantala at adik sa pagnanakaw sa kaban ng bayan na tila walang kabusugan?

Paano kung ang mananalo ay hindi alam ang gagampanan na kanyang tungkulin bilang mambabatas tungo sa pag-unlad ng bayan at kaayusan ng pamahalaan?

Paano na kung ang mananalo ay walang kaplano-plano para sa bayan at manggugulo lamang pag may session ang Senado?

Matuto na po tayo sa mga leksyon ng mga nakaraang halalan. Pumili tayo ng mga tapat, may prinsipyo, lalabanan ang katiwalian, at tunay na nagmamahal sa Inang Bayan.

Piliin natin ang mga magbabantay sa kaban ng bayan at hindi para magnakaw lamang.

Pumili tayo ng hindi malalasing sa kapangyarihan at tunay na maglilingkod para matupad ang mga munti at matataas na pangarap ng bawa’t mamamayan.

Nasa inyong mga kamay ang ikabubuti o ikasasama ng kinabukasan ng ating mga anak at ng susunod na henerasyon na Pilipino ng ating minamahal na bansang Pilipinas.

Sa darating na halalan, pumili tayo ng mga tunay at totoo na lingkod bayan. Pumili tayo ang kandidatong ang tama ay ipaglalaban at ang mali ay lalabanan.

Mabuhay ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas. Mabuhay ang mamamayang Pilipino. Maraming maraming salamat po.

*****

Discover more from PING LACSON

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading