Ping Lacson’s Speech at Alyansa Rally in Batangas

Magandang, magandang hapon po sa ating lahat. Una sa lahat ay nais ko munang magbigay pugay at magpasalamat sa mga kababayan natin sa makasaysayang lalawigan ng Batangas, sampu ng mga pamunuan ng lokal na pamahalaan dito sa ating lalawigan.

Meron lang po akong maikling kwento. Noong araw, noong maliliit pa kami mahabang panahon nang nakakalipas, laging bukambibig ng mas nakakatanda sa amin na bukod sa malapit na magkapitbahay, ang Batangas at Cavite ay halos magkadikit. Sabi nila ang mga pusod ng taga-Cavite at taga-Batangas. Bakit? Ang mga kalalakihan daw ng Cavite at kalalakihan ng Batangas ay barakong barako nguni’t maginoo. At ang mga kababaihan naman bukod sa mga mayuyumi, mababait, maalaga at masunurin sa kanilang mga asawa, pero huwag na huwag ninyong gagalitin, aapihin, at may pagkalalagyan kayo. Kaya ako ay nananawagan sa ating mga kalalakihan sa loob ng bulwagang ito at sa labas at sa mga nanonood sa atin sa buong Pilipinas, na pag kayo ay nakapagasawa ng Kabitenya o Batanguena tulad ni pareng Bong Revilla, huwag na huwag nyong gagalitin, huwag na huwag nyong aapihin at magsisisi kayo. Meron ba kayong pagkakalagyan. Tama po ba yan?

Ang lalawigan ng Batangas, alam naman natin, paunlad ng paunlad at tayo ay nagpapasalamat dahil na rin sa pamunuan, mga namumuno sa Batangas, ay nakarating sa Batangas sa inyong kinalalagyan ngayon. At ito ay mahaba pa ang lakbayin. At kami naman sa Alyansa sa Bagong Pilipinas, ay nangako ko sa inyo na aming susundan ang lead ng ating PBBM sa mga tamang polisya at programa para sa ikauunlad hindi lang ng buong Pilipinas kundi mga kanayunan, lalawigan, mga lokal na pamahalaan tulad ng Batangas.

Ako po si dating Sen. Ping Lacson. Ang aking pinanghahawakan sa kampanyang ito, matatapos na po kasi ilang araw na lang tayo ay pupunta sa ating polling booths at boboto. At tayo ay dapat maging mapanuri. Kung titingnan ninyo ang hanay ng mga kandidato sa bagong Alyansa, lahat kami meron nang mga pinagdaanang experience o karanasan bilang mga mambabatas. Kung di man senador, dating senador, congressmen o dating congressmen o congresswomen. Yan po ang inyong pagpipilian doon sa mahigit 60 na tumatakbo bilang senador sa ating bansa.

At pagpunta ninyo sa inyong polling places, ito lang po ang aking maihahabilin. Mamimili kayo sa apat na klaseng kandidato. Wala akong pinatutungkulan, mahigit 60 kami. Pero sana pag kayo ay nag-shade kayo sa inyong mga balota, apat ang inyong pagpipilian. Ang una, ito ang masipag, magtatrabaho, magbabalangkas ng panukalang batas, at hindi magnanakaw. Ang pangalawa, ito po ang masipag din, magtatrabaho, gagawin ang trabaho, pero magnanakaw. Ang pangatlo, ito naman ang tamad, hindi magtatrabaho pero hindi rin naman magnanakaw. At ang pang-apat, ito po ang tamad na, hindi magtatrabaho, pero magnanakaw pa.

Kayo na po ang bahalang pumili. Ako po ay walang pinatutungkulan. 60 kami mahigit pero yan lang po sana ang ating isipin pag tayo ay pumasok na sa ating polling booth at mag-shade ng ating pipiliing kandidato.

Maraming maraming salamat po at magandang hapon sa ating lahat. Mabuhay ang Batangas, mabuhay po ang Pilipinas, mabuhay tayong lahat! Maraming salamat po!

*****

Discover more from PING LACSON

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading