Ping: DPWH Road Project sa CAR, Kulang sa Plano Kaya Lustay Pondo Na, Buwis Buhay Pa

Kahit sangkaterbang pera na ng pamahalaan ang nagagastos para rito, mananatili pa ring panganib sa buhay ng mga motorista at publiko ang isang kalsadang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cordillera Administrative Region (CAR), dahil sa kakulangan ng pagpaplano.

Ito ang isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng ahensiya para sa susunod na taon, na personal na dinaluhan ni Secretary Mark Villar.

Partikular na tinukoy ni Lacson ang Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay (BLISTT) Circumferential Road matapos na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at pag-aaral ang kanyang tanggapan.

Humigit-kumulang P1.84 bilyon na ang nailaan sa nabanggit na proyekto mula noong 2017, kabilang na rito ang P590 milyon para sa susunod na taon.

Related:
Lacson: Lack of Planning in DPWH Cordillera Road Project Can Waste Funds, Cost Lives
At a Glance: Issues Hounding the DPWH’s Sariaya, BLISTT Projects

Nadiskubre ng mga tauhan ng mambabatas na hindi sapat ang pagplano ng mga kalsada ng BLISTT kung kaya’t walang proteksyon ang ilang bahagi nito sa kaliwa’t kanang pagguho ng lupa tuwing magkaroon ng masamang lagay ng panahon.

“It’s bad enough that we lose money to corruption. It’s worse if we lose more due to lack of planning and preparation – or simply put, incompetence. We should take all possible factors into consideration,” banggit ni Lacson sa kasagsagan ng pagdinig.

Nadiskubre rin na hindi nakipag-ugnayan ang DPWH sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) upang matukoy ang mga landslide-prone na lugar para sa ibayong pagbuo ng depensa sa mga bahagi nito.

Nitong Mayo lamang ay mayroon nang nasawi sa isa sa mga kalsadang sakop ng BLISTT, nang mahulog sa bangin at tumihaya ang isang dump truck sa bahagi ng Labey-Lacamen Road na matatagpuan sa Tublay, Benguet.

“Without such planning, the BLISTT project clearly endangers lives, not to mention a highly potential waste of funds,” pagsiwalat pa ni Lacson.

“(The BLISTT project) could very well be a microcosm of many infrastructure projects of the national government,” dagdag ni Lacson.

“There are lessons to be learned from this. One is that due diligence is part of the planning,” paalala pa ng mambabatas.

*****