Re-enacted man o maging batas na ang P3.7-trilyon na pambansang badyet para sa 2019, kailangang ipatupad na ngayong buwan ang umento sa suweldo ng mga kawani ng pamahalaan.
Ito ang naging tugon ni Senador Panfilo Lacson sa pagkakabalam sa pagpapatupad sa pagtaas sa suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan, na ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ay bunga ng hindi pa pagkakapasa sa pambansang gastusin para ngayong taon.
“Mr. DBM Secretary, implement the salary increase now. It is not unconstitutional. It has basis in law and there is PhP99.446 billion under the MPBF in the 2018 budget,” mensahe ni Lacson sa pamunuan ng ahensiya sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
“Pointing to a re-enacted budget won’t fly,” dagdag pa ng mambabatas.
Related: Lacson: Reenacted Budget Doesn’t Block Government Workers’ Pay Hike
Nakapaloob sa MPBF ng 2018 budget ang P62.8 bilyon para sa Compensation Adjustment, at P12.36 bilyon para sa Staffing Modification Upgrading of Salaries.
Sa ilalim ng umiiral na patakaran, ngayong 2019 ay dapat matanggap ng mga kawani ng pamahalaan ang bahagi ng umento sa suweldo.
Base ito sa Executive Order 201 na nilagdaan ng dating Pangulong Benigno Aquino III para sa mga sibilyan; at Joint Resolution No. 1 para sa mga Military and Uniformed Personnel (MUP) na pinirmahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ang implementasyon nito ngayong Enero ay una nang isinantabi ng DBM, gamit ang katuwirang maari umanong malabag ang Saligang Batas dahil nananatiling nakatengga ang 2019 National Budget.
At dahil wala pa umanong batas ang badyet para sa taong kasalukuyan, napabalitang iginiit ni DBM Secretary Benjamin Diokno na walang legal na batayan ang ahensiya para dagdagan ang suweldo ng mga manggagawa ng pamahalaan.
Natengga ang panukalang batas para sa 2019 badyet sa Kongreso dahil mistulang natulog ito sa Kamara at naubusan ng panahon ang Senado para maipasa ang kanilang bersiyon bago ang Christmas vacation noong nakaraang taon.
Inaasahan namang mas magiging mainit ang pagtalakay nito sa pagbubukas ng sesyon sa darating na Enero 14 dahil sa mga nakatagong “pork barrel insertions” na nabungkal ni Lacson.
*****